4% inflation rate naitala ng PSA noong Marso

Ni MJ SULLIVAN

Nakapagtala ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng pagtaas sa 4 porsiyento ang inflation rate nitong buwan ng Marso sa loob ng anim na buwan.

Sa isang virtual press briefing, sinabi ng PSA na mas mataas ito kumpara sa 3 percent na naitala noong Enero at Pebrero ng kasalukuyang taon na mas mabilis din sa naitala noong Setyembre 2021 na 4.2 porsiyento.

Sinabi pa ng PSA na huling naitala ang pagtaas ng inflation ng 1 porsiyento ay nangyari noong Disyembre 2019 kung saan tumalon ito ng 2.4 porsiyento mula sa 1.2 porsiyento noong Nobyembre.

Kabilang sa tinukoy na dahilan ng pagsipa ng inflation ay ang nagtataasang presyo ng gasolina at iba pang pangunahing bilihin sa merkado.

Nabatid na simula ng mag-umpisa ang taon, tumaas nang P16.10 kada litro ang presyo para sa gasolina, P26 kada litro para sa diesel at P24.10 kada litro naman para sa kerosene.

Nauna nang nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at ng Department of Energy (DOE) na maaaring tumaas ang inflation sa mga susunod na buwan dahil sa epekto ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine kung saan apektado ng maraming bansa sa taas ng presyo ng supplies.

Gayundin, kasama rin sa dumagdag sa inflation ang mga  alcoholic beverage at sigarilyo na nasa 4.8 prosiyento; restaurants at hotel na nasa 3.0 porsiyento at iba pa.

Itinaas ng central bank ang inflation forecast nito para sa 2022 at 2023 sa 4.3 percent at 3.6 percent, mula sa 3.7 percent at 3.3 percent.

Leave a comment