Gov’t agencies at LGUs dapat magtipid sa kuryente—Sen. Gatchalian


Ni NOEL ABUEL

Umapela si Senador Win Gatchalian sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno at sa local government units (LGUs) na sumunod sa mandatory energy efficiency at conservation measures kasunod ng nakaambang pagkulang ng reserbang kuryente mula sa Luzon grid at Visayas grid ngayong tag-init.

“Ang gobyerno ay dapat manguna sa pagsunod sa mga probisyon ng batas hinggil sa paggamit at pagtitipid ng enerhiya,” sabi ni Gatchalian.

Nakasaad aniya sa Republic Act No. 11285, o ang Energy Efficiency and Conservation (EEC) Act na iniakda at sponsor sa Senado si Gatchalian, ay nagtatakda ng pagpapatupad ng Government Energy Management Program (GEMP) na naglalayong mabawasan ang buwanang konsumo sa kuryente ng mga tanggapan ng pamahalaan at gasolina ng kanilang mga sasakyan.

Sakop ng GEMP ang government-owned and controlled corporations (GOCCs), government financial institutions (GFIs), state universities and colleges (SUCs), gayundin ang local government units (LGUs).

“Dahil sa batas na ito, kailangan nating mailatag ang mga pamamaraan ng pagtitipid sa kuryente bilang pangkalahatang paraan ng pamumuhay upang matiyak ang sapat at katatagan ng suplay ng enerhiya sa bansa at upang makatulong sa epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan. Bukod sa makakatipid na tayo, magiging kapaki-pakibanang din ito sa ating kapaligiran. Dapat manguna ang gobyerno sa pagsunod sa programa upang mahikayat rin ang publiko na makibahagi sa pagtitipid ng enerhiya,” paliwanag pa ng re-electionist na senador.

Ayon sa isang resolusyong inilabas noong 2020 ng Inter-Agency Energy Efficiency and Conservation Committee (IAEECC), dapat magtalaga ng isang energy efficiency and conservation officer (EEC officer) sa bawat tanggapan ng gobyerno, GFIs, GOCCs, SUCs, at LGUs upang pamunuan ang mga estratehiya ng pagtitipid sa kuryente. 

May kabuuang 7,441 na tanggapan ng gobyerno ang kinakailangang magtalaga ng kani-kanilang EEC officer ngunit nasa 1,760 na opisina o 24% lamang ang sumusunod sa kautusan at 76% ang hindi pa sumusunod, batay sa datos na lumabas noong Oktubre 27, 2021.

Samantala, sa isang advisory na inilabas kamakailan ng IAEECC, nagtakda ito ng 10% na pagbabawas sa pagkonsumo ng kuryente at gasolina ng mga ahensya ng gobyerno upang maibsan ang epekto ng krisis dala ng tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine at upang matiyak na may sapat na kuryente pagdating ng halalan.

Leave a comment