Pamahalaan niloloko ng e-sabong operators — Cayetano

Barya lang ang binabayad

Rep. Alan Peter Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Kung seryoso ang pamahalaan na kailangan ng pondo para magamit sa pantulong sa mga mahihirap ay dapat na igiiit ng gobyerno na ibigay ng mga operators ng e-sabong o electronic sabong ang dapat obligasyon nito at hindi barya-barya lang.

Ito  ang sinabi ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano kung saan kinuwestiyon nito ang revenue scheme na iniimplementa ng online cockfighting kung saan barya lamang ang kinikita ng pamahalaan kung ikukumpara sa kinikita ng e-sabong operators.

Inihalimbawa pa ni Cayetano ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na nag-o-operate ng lotto kung saan nagbabayad ang operator nito na Berjaya Philippines, Inc., ng  P5.8 bilyon para sa limang taong technical know-how at software nito.

Ang mga licensees at ahente na tumatanggap ng taya  ay hindi nakikipag-ugnyan sa Berjaya ngunit direkta sa PCSO, na kumikita ng 20 porsiyento mula sa benta ng tiket at karagdagang 20 percent tax sa ticket sales na napupunta sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

“If the government says it needs funds, this is the model. Before the pandemic, lotto earned P18 billion a year. In five years, (it should earn) P90 billion, but it pays Berjaya only P5.8 billion,” ani Cayetano.

“We should prohibit all forms of internet gambling… Ayokong mag-ugat ito sa ating bansa. Pero kung pipilitin talaga na kailangan ang pondo, baligtarin natin. Gandahan natin ‘yung terms para hindi naman pagtawanan ang gobyerno,” aniya pa.

Ipinaliwanag pa ni Cayetano na ang kontrata ng online gambling ay hindi ordinaryong kontrata na hindi maaaring amiyendahan dahil ito ay prangkisa na isang pribilehiyo lamang at maaring baguhin.

“Hindi ito ordinary kontrata na hindi pwedeng baguhin. Franchise ito. It’s a privilege, so any time pwedeng baguhin ‘yan,” ayon pa dito.

Sinabi pa  ni Cayetano na base sa nagdaang pagdinig ng Senado noong Marso 4, 2022, ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ay kumikita lamang ng P7.6 bilyon kada taon habang ang mga e-sabong operators ay kumikita ng P36 bilyon.

Idinagdag pa ng kongresista na sa kasalukuyang sitwasyon nagbabayad lamang ang online operators ng P12,500 kada laban habang ang buong kita nito ay napupunta sa kanila kahit ilang laban.

“That means ‘yung porsyento lahat nasa licensee. So ginamit mo ang gobyerno, ginamit mo ‘yung PAGCOR, kumuha ka ng license, etc., pero balato lang ang binigay mo sa gobyerno. Ang kita nasa operator,” giit nito.

Kasabay nito, binalaan ni Cayetano ang mga PAGCOR officials na mahaharap sa kaso dahil sa pagpasok sa isang kontrata na lubhang lugi ang pamahalaan.

“I tell you this with all humility, dadating ang araw na pwede kayong kasuhan dahil nga lopsided ang contract,” babala ng kongresista.

Leave a comment