
Ni NOEL ABUEL
Napanatili ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang mataas nitong voter preference ratings sa pinakabagong Pulse Asia survey nang walang isinasagawang motorcade o ginagamit na printed materials sa ilalim ng kanyang eco-friendly campaign.
Sa survey na inilabas ng Pulse Asia nitong Miyerkules, Abril 6, nakakuha ng 56.4 porsiyentong boto si Cayetano mula sa mga lumahok — mas mataas pa ng 1.4 porsyento sa nakuha nito sa survey noong Pebrero.
Dahil dito, nakamit ni Cayetano ang second to fifth ranking sa lahat ng mga kandidato sa pagka-Senador na kasama sa survey.
Sa nasabing survey, 99 na porsyento rin ng mga sumagot sa survey ang nagsabing may kamalayan sila sa pagtakbo ni Cayetano sa pagka-Senador ngayong halalan.
Ito ay sa kabila nang walang ginamit na campaign poster o tarpaulin ang dating Speaker, at hindi rin siya nagsasagawa ng mga motorcade.
“Nagpapasalamat ako Panginoon because He is honoring our commitment to protecting the environment,” pahayag ng dating House Speaker.
“When we mounted our eco-friendly, lead-by-example campaign in February, we knew we would face major challenges. In the sea of flyers and posters, our name would not be seen among the candidates in every corner of the country,” dagdag nito.
Nanindigan si Cayetano na ayaw na nitong makadagdag pa sa mga naiipong kalat tuwing nagkakaroon ng eleksyon kaya nagpasya itong gumamit ng makabagong paraan ng pangangampanya.
“I think the survey results have been consistent in showing that the people appreciate and support our commitment to our cause. Hindi kasi ito pulitika, ito ay paraan para mapangalagaan ang ating kalikasan na malapit sa puso ng mga Pilipino,” giit nito.
Nagpasalamat din si Cayetano sa mga tagasuporta nito, lalo na ang mga boluntaryong nag-organisa ng mga bike caravan at coastal clean-up alinsunod sa kanyang adbokasiya na eco-friendy campaign.
Ayon sa Pulse Asia, isinagawa ang survey noong Marso 17-22, 2022 sa pamamagitan ng harapang panayam sa mga lumahok.
Umabot sa 2,400 Pilipino edad 18 pataas ang lumahok sa survey na may 95 porsyentong confidence level o kasiguraduhang ang mga lumahok ay kinakatawan ang buong populasyon ng bansa.
Ang error margin naman nito ay ± 2 porsiyento.
