
Ni NOEL ABUEL
Nagbabala si Aksyon Demokratiko vice-presidential candidate Dr. Willie Ong na nasa 35 porsiyento na posibelng umakyat ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa matapos ang May 9 elections dahil na rin sa pagkakadiskubre ng bagong mutant variant na tinawag na XE na pinaniniwalaang mas nakahahawa kung ikukumpara sa ibang virus.
Ang pahayag ay ginawa ni Ong kasunod na rin ng pagkilos ng international health officials na hinaharap na nito ang bagong mutant variant ilang araw matapos ang BA.2 strain ng coronavirus.
“Pero sa ngayon mukhang hindi naman kakalat pero as usual sinasabi ko sana naghanda tayo sa ospital, sa gamot, sa health workers, para just in case may dumating. Ang prediction ko nga after elections may 35 percent chance na tumaas,” ani Ong.
“Just in case dumating ready tayo at hindi tayo magla-lockdown agad-agad na lang. Pero sa ngayon mababa naman, less than 2 percent ang positivity rate ibig sabihin maliit ang tsansa na makahawa sa panahon na ‘to,” dagdag nito.
Nabatid na ang Covid-19’s XE variant ay kumbinasyon ng unang strain ng omicron na maikakalat sa buong mundo, at ang BA.1, na tinatawag na “stealth omicron,” ang sub-variant BA.2, na isa na ngayong dominant.
Unang natukoy ang XE strain sa United Kingdom noong Enero 19, base na rin sa datos ng World Health Organization (WHO) kung saan sa kasalukuyan ay nasa 600 documented cases ang naitatala na.
Sa paunang pag-aaral, ang XE ay may 10% mas nakakahawa kung ikukumpara sa BA.2, na 50-60% mas nakahahawa sa omicron predecessor.
Sinabi ni Ong na hindi na ito nagulat sa pagkakaroon ng XE strain kung kaya’t may dahilan ang gobyerno partikular ang Department of Health (DOH) at ang mga tao na manatiling mapagbantay at maiwasan ang isang pang outbreak na mangyari katulad noong huli na tumama ang Omicron variant noong nakaraang taon at Enero ng taong kasalukuyan.
“Lagi nating binabantayan itong mga pandemic na darating. Actually, matagal ko ng alam itong XE Omicron. Ito ‘yung pangatlong klase, nagsama ‘yung una at ‘yung pangalawa. Ang sabi nila itong XE Omicron 43 times mas mabilis makahawa kaysa sa original at 10 times mas mabilis makahawa kumpara doon sa pangalawa, ‘yun ang tumama sa atin ‘yung BA.2. Pero sa ngayon kaunti pa lang naman ‘yung kaso parang hindi pa naman ganu’n kabilis ang pagkalat kaya laging kong nagbabalita sa mga tao oras na feeling ko tataas ito at hindi,” paliwanag pa ni Ong.
