Solon sa mga kandidato: Unahin ang kaligtasan at kalusugan

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Sa kabila ng pagbuti ng sitwasyon ng COVID-19 cases sa bansa ay hindi dapat tumigil ang taumbayan sa pagsunod sa health at safety protocols tulad ng paggamit ng facemask at social distancing lalo na ngayong panahon ng kampanya.

Ito ang sinabi ni Senador Christopher “Bong” Go kasabay ng panawagan sa mga kandidato na unahin muna ang kalusugan at kaligtasan ng mga supporters ng mga ito bago ang pangangampanya.

 “Ang apela ko sa mga kumakandidato at nangangampanya, unahin ninyo po ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga mamamayan kaysa ang pulitika. Delikado pa rin hanggang hindi pa natin nalalampasan ang pandemya,” sabi ni Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography.

Binigyan-diin ng senador ang kahalagahan ng patuloy na kooperasyon upang maiwasan ang muling pagkalat g COVID-19 virus at muling mahirapan na naman ang health system.

Sinabi pa ni Go na kailangan ang mga itong upang matiyak na hanap na makabawi na ang ekonomiya sa bansa.

“Habang naghahanda tayo patungo sa pagbabalik sa normal, kailangan nating matutong mamuhay nang ligtas kahit na may panganib pa ng virus. Kailangan nating patuloy na mag-ingat habang unti-unti nating binabawi ang mga panahong nawala sa atin sa nakalipas na dalawang taon,” giit nito.

“Magagawa lang natin ito kung patuloy tayong makikiisa sa pamahalaan, magmamalasakit sa kapwa at makikipagbayanihan sa isa’t isa. Alalahanin natin, hindi pa tapos ang pandemya. Ang ating patuloy na pagsunod sa mga ipinatutupad na patakaran ay makapagliligtas sa ating mga mahal sa buhay,” dagdag pa ni Go.

At bago aniya ang national at local elections, muling inulit ng senador ang panawagan nito sa mga ahensya ng pamahalaan na gawin ang mga kinakailangang pag-iingat upang maprotektahan ang mga  botante tulad ng pagbibigay ng mahigpit na social distancing sa panahon ng aktibidad ng kampanya at maging sa mismong araw ng halalan.

Leave a comment