
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan sa Commission on Elections (Comelec) ang isang kongresista na magpatupad ng mas mahigpit na accreditation system sa mga party list groups upang hindi maabuso ng iilang mayayaman at maimpluwensyang pulitiko.
Sinabi ni Magsasaka party list Rep. Argel Cabatbat na ito umano ay upang hindi maabuso ang party list system ng bansa.
Ikinalungkot ni Cabatbat ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na mayayaman lamang ang nakikinabang sa party list system at dapat ay mabuwag na ito sa pamamagitan ng Constitutional Assembly o Constitutional Convention.
Idinagdag pa nito na kailangang siguruhin ng Comelec na lehitimong grupo lang ang bibigyan nito ng accreditation para lumahok sa halalan.
“Let’s call a spade a spade. Sa totoo lang po, maraming mga party list na ang may-ari ay mga mayayaman, mga pulitiko. Kung pagbabasehan natin iyan, talagang hindi lahat ng representative ng party list ay galing sa mga sektor na kanilang nire-represent. Kung iyan ang sukatan, marami talagang nakapasok. Pero marami pa rin namang mga party list na galing din naman talaga sa kanilang kinakatawan na sektor,” ayon pa sa Deputy minority leader ng Kamara.
Bukod sa mas mahigpit na implementasyon ng party list law, nanawagan din si Cabatbat sa mga botante na maging mapanuri at siguruhing kinatawan talaga ng kanilang sektor ang iboboto.
Naniniwala rin ang kongresista na hindi dapat i-abolish ang party list system, dahil mas maraming grupo ang talagang nagtatrabaho upang isulong ang marginalized sectors.
“Kung ang batayan natin sa pagbuwag ay ‘yung nakakapasok ang mga mayayaman at mga makapangyarihan na pulitiko, nagkaroon na ng mga dynasties, eh wag lang siguro party list ang ating buwagin, pati Senate, House of Representatives, kasi kung titingnan mo, lahat naman ‘yan pinasok na ng mayayaman. Hindi yata patas na sa party list lang tayo titingin,”paliwanag nito.
