
NI NERIO AGUAS
Sinisiguro ng Bureau of Immigration (BI) na sapat ang bilang ng mga tauhan nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang paliparan sa bansa ngayong panahon ng Holy Week.
Sa inilabas na memorandum ni BI port operations division Atty. Carlos Capulong, na kinatigan ni BI Commissioner Jaime Morente, mahigpit na ipinagbawal ang pagbabakasyon ng mga tauhan nito mula Abril 7 hanggang Abril 15 upang matiyak na may sapat na BI officers na magseserbisyo sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayon Lenten break.
Nabatid na inaasahan ang pagdating ng maraming pagdating at pag-alis ng mga international travellers na nangyayari sa mga nakalipas na taon sa panahon ng Lenten season.
“Normally, there is always a rise in the volume of arriving passengers before the Holy Week and increase in number of departing passengers after the Lenten break,” sabi ni Capulong.
Idinagdag pa nito na kapansin-pansin na dumarami ang bilang ng mga dumarating na pasahero sa bansa simula nang buksan ang borders ng bansa sa mga foreign tourists noong nakaraang buwan.
Maliban sa NAIA, may international flights din na dumarating sa Mactan, Clark, at Davao airports.
Base sa datos ng BI, ang passenger arrivals sa mga paliparan ay umabot ng 13,000 hanggang 15,000 kada araw na malayo sa 6,000 hanggang 9,000 noong nakaraang buwan.
Abril 1, nang magdesisyon ang pamahalaan na buksan ang border ng bansa para sa lahat ng foreign nationals ngunit dapat na makasunod ang mga ito sa immigration entry requirements at prescribed health protocols.
