
Ni NOEL ABUEL
Umapela si dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa mga local government units (LGUs) na magbigay ng buong suporta para sa edukasyon ng mga kabataan upang maitaguyod ng bansa ang isang henerasyon na may mataas na kinikita at masasayang Filipino.
Binigyan-diin ni Cayetano, na tumatakbong senador sa May elections, na ang pagiging masaya sa pagpili ng isang karera ay kasinghalaga ng pera na kinikita lalo na sa panahon ngayon na ramdam ang psychological at financial distress.
“Don’t ever think that material wealth is the measure of success. I do believe when you find God’s purpose for you, you will find a job that will give you both enough income to provide for your family and also lasting happiness,” sabi nito.
Gayunpaman, sinabi ni Cayetano na ang mababang socioeconomic status ang nagtutulak sa maraming estudyanteng Pinoy na mamili ng trabaho na may mataas na suweldo kasya sa talagang kagustuhan nitong kuhanin.
“When a student comes from a financially secure family, it is easier for him or her to take a course that he or she truly wants. And the cycle of poverty stops when a person receives quality education,” aniya pa.
Sinabi pa ng dating House Speaker na tungkulin ng mga LGUs na tiyaking makapag-aral ang bawat bata sa pamamagitan ng pagsagot sa pinansyal na pasanin ng mga magulang at pagbibigay ng pabuya sa mga mag-aaral na nagtatagumpay sa paaralan.
Inihalimbawa nito ang ipinatutupad sa Taguig City, na ang mga mag-aaral mula sa pre-school hanggang kolehiyo ay ay nagtatamasa ng libreng tuition, uniform, school supplies, at school programs.
Habang ang lahat ng graduate at post-graduate students ay nakakatanggap ng scholarships at financial incentives.
Sa kanyang talumpati sa mga mag-aaral ng Taguig City University (TCU) kamakailan, sinabi ni Cayetano na gagawin ng mga opisyal ng paaralan at lokal na pamahalaan ang kanilang trabaho upang mabigyan ng maayos na pamumuhay ang mga estudyante.
Ipinaalala rin ni Cayetano ang balanse sa pagitan ng academics at ang socialization.
“Kung aral ka nang aral wala ka namang barkada, wala kang people skill. Pwedeng CEO ‘yan sa pinakamalaking kumpanya pero ang sama naman ng ugali, hindi pa rin successful ‘yan,” aniya.
Si Cayetano ang principal author ng GMRC (Good Manners and Right Conduct) and Values Education Act, na naipasa noong Hulyo 2019, kung saan isinama ito sa K-to-12 basic education curriculum.
