British gangster kalaboso ng BI

Ni NERIO AGUAS

Dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang British national na naging laman ng balita dahil sa pagwawala at panunutok ng baril sa mga kostumer ng pag-aari nitong nightclub sa Makati.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang nasabing dayuhan na Darren Mark Wall, 44-anyos, na isang ex-boxer at may alyas na ‘Jack’.

Sinabi ni Morente na isinurender ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa BI ang nasabing dayuhan matapos maaresto ito noong nakalipas na buwan dahil sa pananakit at panunutok ng baril sa isang nightclub sa Poblacion, Makati.

Nabatid na patung-patong na kaso ang kinakaharap ni Wall kabilang ang paglabag sa gun ban, disobeyed persons of authority, possessed dangerous drugs, at pagbabanta sa ilang biktima. 

Base sa naglabasang balita, ang nasabing dayuhan ay  may criminal career sa United Kingdom matapos na pagnakawan nito kasama ang dalawang iba pa ang isang ATM.

Sa BI records, si Wall ay may hawak na permanent resident visa dahil sa pagkakaroon nito ng relasyon sa asawa nitong Pinay.

Sinabi ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan, Jr., na bagama’t may hawak na permanent resident visa ang nasabing dayuhan ay maaari pa rin itong maipa-deport. 

Inirekomenda na rin ng BI na uturing na isang undesirable alien si Wall kung kaya’t posibleng maipatapon na pabalik ng bansa nito.

Natuklasan din na si Wall ay pinuno ng isang gang na nasa likod ng pangingikil gayundin sa drug-related crimes.

Nagbabala naman si Morente sa lahat ng foreign nationals sa bansa na palagiang sumunod sa batas ng Pilipinas. 

“A permanent residence visa is not a free pass for foreign nationals to disregard our laws.  They are still expected to be in their best behavior, and to comply with the laws of the land.  Otherwise, they may be arrested, deported, and banned from returning to the Philippines,” sabi pa ni Morente.

Kasalukuyang nakadetine sa BI’s holding facility sa Bicutan, Taguig City ang naturang dayuhan habang inihahanda ang dokumento para sa pagpapatapon pabalik ng bansa nito.

Leave a comment