Alert level 2 na sa Bulkan Taal– Phivolcs

Ni MJ SULLIVAN

Ibinaba na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang alert status sa Taal Volcano sa lalawigan ng Batangas mula Alert Level 3 ay ginawa na itong Alert Level 2 dahil sa pananahimik ng nasabing bulkan.

Sinabi ni Phivolcs OIC Renato Solidum na base sa monitoring nito, bumaba na ang inilalabas na sulfur dioxide emissions ng bulkan mula sa 21,211 tons kada araw noong unang tatlong linggo ng Marso patungo sa 240 tons kada araw na lamang noong April 8 at nabawasan na rin ang pagyanig sa paligid nito kung kaya’t inaalis na ang banta ng magma rising.

“Sa Alert Level Number 3, nagpa-evacuate tayo ng ilang barangay ng Agoncilio at Laurel, sila ay pwede nang bumalik,” sabi ni Solidum.

Ngunit nilinaw ni Solidum na mahigpit pa ring pinagbabawalan ang sinuman na bumalik o lumapit sa Taal island kahit nasa Alert Level 2.

Maaari namana aniyang bumalik na sa pangingisda sa paligid ng bulkan.

Magugunitang dalawang linggo na ang nakararaan nang pumutok muli ang Bulkang Taal kung kaya’t napilitang lumikas ang nasa mahigit 3,000 pamilya malapit sa bulkan na karamihan ay mula sa Barangay Bilibinwang at Banyaga sa Agoncillo at Boso-Boso, Gulod at silangang bahagi ng Bugaan East sa karatig-bayan ng Laurel.

Patuloy pa ring pinaalalahanan ang publiko na bawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island na idineklarang permanent danger zone lalong lalo na sa may gawi ng Main Crater at Daang Kastila fissure pati na ang paninirahan at pamamangka sa Lawa ng Taal.

Leave a comment