Boto ng Marcos-Duterte tandem sa Samar bantay-sarado

Kahit bumuhos ang malakas na ulan tuloy ang pagpapakita ng suporta sa Marcos-Duterte tandem

Ni NOEL ABUEL

Siniguro ng lokal na pamahalaan ng Catbalogan City, Samar na babantayan nito ang boto para kina Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) vice presidential bet at Davao City Mayor Sara Duterte.

Ayon kay Samar Rep. Sharee Ann Tan, tinitiyak nito kina Marcos at Duterte na maliban sa makakaasa ang mga ito ng suporta sa May 9 elections ay makakaasa rin na mahigpit na babantayan ang kanilang boto.

Ginawa ni Tan ang pahayag nang pangunahan ni Marcos ang UniTeam ticket na mangampanya sa Samar province kahit bumuhos ang malakas na pag-ulan ay hindi inalintana ng mga supporters nito.

“Nandito ngayon p’wede po itong sumuporta sa atin at bantayan ang ating boto sa araw ng halalan, nandito po ang ating mga mahal na BBM (Bongbong Marcos) volunteers,” sabi ni Tan.

Ipinagmalaki pa ng kongresista na ang mga BBM volunteers ang nasa likod ng paghahanda sa campaign rally ni Marcos at Duterte sa kabila ng sama ng panahon at kakulangan ng pondo.

“Nagtatrabaho at sumusuporta para maging successful ‘yung ating gathering ngayong araw, nandito din po ‘yung mga mayors natin na handang sumuporta sa atin sa iba’t ibang munisipyo and naniniwala po kami na nandiyan ang suporta sa UniTeam, dahil naniniwala po kami na ang pagkakaisa ang magiging solusyon para sa development at progreso ng ating bansa,” pahayag pa ni Tan.

Sinabi naman ni Gov. Reynolds Michael Tan na walang makakapigil sa suporta ng mga residente ng Samar at makakaasa ng malaking boto sa darating na eleksyon ang Marcos-Duterte tandem at kanilang senatorial candidates.

“We, the officals of Samar, down to the mayors who believe in UniTeam have committed to bring Marcos-Duterte a 100,000 vote lead on election day, and that’s what we are working now,” ayon pa sa gobernador.

Leave a comment