
Ni NOEL ABUEL
Hinamon ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang lahat ng presidential candidates na magkaisa sa five-year plan na target ng pamahalaan na gastusan upang mapabuti at mapadali ang pamamahagi ng pangunahing serbisyo at state assistance programs.
“Maraming issues na hindi magkakasundo, pero dapat united ‘yung purpose,” sabi ni Cayetano.
Muling inulit nito ang panawagan sa mga presidential candidates na magtulungan sa pagbuo ng limang taong plano na iimplementa kung sinuman ang mananalo sa May elections.
“Let’s come up with a comprehensive and doable plan. Babalikan ko lang ‘yung proposal ko last year, na magsama-sama lahat ng mga presidentiables na magkaroon ng plano para hindi na mag-away-away,” aniya pa.
Sinabi pa ni Cayetano na ang susunod na administrasyon ay maaaring ipagtibay ang P5-trillion national budget annually mula 2023 hanggang 2027, na may mga programa sa paggastos na sumasaklaw sa buong 5-taon at hindi lamang ginawa sa bawat tao.
Giit nito, dapat na masunod ang “Relief-Recovery-Reform” framework na inimplementa ni dating United States President Franklin D. Roosevelt, na nagpasimula ng programa sa paggasta ng estado ng New Deal para tulungan ang bansa mula sa epekto ng economic devastation dulot ng The Great Depression of the 1930s.
“In times of crisis, how do we begin to recover? Sabi ko nga, let’s not reinvent the wheel. There’s no problem po in looking at models or ‘yung mga successful, best practices,” ani Cayetano.
Sa bahagi aniya ng “Relief” aspect, tinukoy ni Cayetano na dapat na maging madali ang proseso kung saan maaaring ma-access ng mga tao ang social aid at safety net programs na ipinatutupad na sa kasalukuyan ng pamahalaan.
Iminungkahi nito ang paggamit ng National ID system para mabigyan ang taumbayan ng walang putol na tulong na pag-access sa maraming tulong pinansyal at paggamit ng mga electronic payment system para ipamahagi ang pera sa halip na ipasa ito sa pamamagitan ng pulitiko.
“May pondo. Ang problema po sa ngayon, mahirap makakuha kung walang padrino. You have to go to your mayor or congressman or woman or your senator para makuha,” sabi ng nagbabalik sa Senado na si Cayetano.
Ilan sa progma sa ilalim ng “Recovery” aspect ni Cayetano ang livelihood aid grants na ipinagkakaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Trade and Industry (DTI) gayundin ang mga small-loans facility na ibinibigay ng pamahalaan sa micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Ayon pa kay Cayetano, mahalaga ang MSMEs para makabangon ang ekonomiya ng bansa na magbibigay ng trabaho at makakatulong sa gobyerno na makalikom ng buwis.
“Around 60 percent ng employment sa Pilipinas ay nasa small, micro, and medium enterprise. So ibig sabihin, kapag binuhay mo ‘yan, mas magkakatrabaho ang tao, at kapag may trabaho ang tao at buhay ang negosyo, may buwis,” aniya pa.
Samantala sa “Reform” aspect nais nitong mapahusay ang digital infrastructure gayundin ang agricultural and tourism infrastructure na mahalaga para sa lahat ng Filipino na magkaroon ng access sa tubig, kuryente, at mabilis na internet connections para tuluyang mapaunlad ang digital economy.
“If every square inch of Philippine territory has water, electricity, and internet, then hindi magsisiksikan sa siyudad, at mag-go-grow ang ating ekonomiya,” ayon pa dito.
Inihalimbawa pa ni Cayetano ang naranasan nito sa Thailand kung saan ginawa ng Thai government na mapahusay ang food security at agrikultura at murang gamot at health facilities na naging sandalan nito para mapabuti ang buhay at negosyo ng taumbayan.
“These are examples of reforms that were done in other countries, and why not do it now? By creating the right environment for jobs at ‘yung tamang kita at ‘yung magandang trabaho para ‘yung presyo abot-kaya, it will also take out Filipinos from desperation,” giit pa ni Cayetano.
