Kawalan ng database sa Pantawid Pasada ikinabahala ng senador 

Senador Sherwin Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng pagkabahala ang isang senador na dahil sa kawalan ng database ng mga benepisyaryo ang naging dahilan ng pagkaantala sa pamamahagi ng fuel subsidy program ng gobyerno.

“Hanggang ngayon ay marami pang hindi nakakakuha ng ayudang ito halos tatlong linggo na mula nang magsimulang mamigay ng Pantawid Pasada dahil na rin sa kawalan ng listahan ng mga benepisyaryo. Inabutan na nga ng election ban na lalo pang nagpaantala dito,” puna ni Senador Win Gatchalian.

Iginiit ng senador ang pagkakaroon ng centralized database ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at iba pang stakeholder para sa maayos na koordinasyon at implementasyon ng programa.

Ang nasabing database, aniya, ay dapat na ina-update kada taon upang magsilbing gabay para sa mga ahensyang naatasang magpatupad ng programa at upang matiyak na walang aksaya o maling paggamit ng pondo ng gobyerno.

Sa pinakahuling pagtatala noong Abril 4, 2022 ng mga bilang ng mga benepisyaryo sa hanay ng mga nasa Public Utility Vehicles (PUV), nasa 110,287 pa lamang ng kabuuang 377,443 ang nakatanggap ng tig P6,500 na fuel subsidy samantalang prinoproseso pa rin ang fuel cards para sa 22,932 na mga benepisyaryo.

Ang Department of Trade and Industry (DTI) na may tungkuling alamin ang mga benepisyaryo mula sa delivery services sector ay nagsumite sa Department of Transportation (DOTr) noon lamang Marso 23 ng listahan ng 27,777 na mga benepisyaryong tatanggap ng nasabing ayuda.

Samantala, hindi pa rin nakakapag sumite ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng listahan ng mga tricycle driver-beneficiaries.

“Kung gagawin nang pangmatagalan ang Pantawid Pasada Program, magkakaroon na ng database ang mga benepisyaryo nito at ipapanukala ko ang pagkakaroon nila ng bank accounts o e-wallets upang masiguro na sa mga intended beneficiaries ilalagak ang pondo at mapapabilis ang pamimigay nito,” sabi ng senador.

Sa pagsusulong ng programang ito, layon ni Gatchalian na mabigyan ng pinansyal na suporta ang sektor ng pampublikong transportasyon upang maibsan ang negatibong epekto ng biglaan at mataas na dagdag presyo ng langis.

Dagdag pa ng Senate Energy Committee chairperson na kakailanganin ang paglalaan ng P1.6 bilyon bilang paunang pondo sa programa habang ang mga susunod na pantustos para sa ayuda ay kukunin mula sa tumaas na koleksyon ng VAT kasunod ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at pangunahing bilihin.

Leave a comment