Sen. Go umaasa na operational na ang OFW Center bago ang pagtatapos ng termino ni PRRD

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Kumpiyansa si Senador Christopher “Bong” Go na bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ay tuluyan nang maitatayo ang Overseas Filipino Workers (OFW) Center para magamit ng mga overseas Filipino workers (OFWs).

“Hopefully po, sana bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte ay talagang nandiyan na ang departamentong lalapitan n’yo na mag-aasikaso sa ating mga OFWs. Regalo natin ito sa mga (migrant workers) na nagsasakripisyo. Malaki ang ambag sa ating bayan ng modern heroes natin. Para po ito sa inyo, itong Department of Migrant Workers,” sabi ng senador.

Tugon ito ni Go matapos personal na saksihan ang groundbreaking ceremony ng OFW Center sa Daang Hari, Las Piñas City noong isang araw kung saan naging panauhing pandangal si Pangulong Duterte.

Ang nasabing 10-palapag na gusali ay magsisilbing one-stop shop ng mga ahensya ng pamahalaan para tumulong sa mga Filipino migrant workers.

Ang naturang pasilidad ay proyekto ng Global Filipino Movement Foundation Inc., na isang non-stock and non-profit organization mula sa mga Christian churches, organisasyon at indibiduwal para magbigay ng libreng tulong sa mga OFWs.

“Higit kumulang sampung porsyento ng ating populasyon ang nasa abroad. Mahirap po mawalay sa sariling bayan para lang buhayin ang pamilya at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang inyong mga anak,” sabi ni Go.

“Kaya bilang mambabatas, ginagawa ko ang lahat upang maipaglaban ang kanilang kapakanan. Huwag nating ipagkait sa Pilipino kung ano po ‘yung nararapat sa kanila, lalung-lalo na sa ating OFWs at iba pang overseas Filipinos. Itinuturing nga natin silang mga bagong bayani,” sabi pa nito.

Leave a comment