
Ni NOEL ABUEL
Nakahanda si independent presidential candidate at Senador Panfilo “Ping” Lacson na maging common candidate ang running mate nitong si Senate President Vicente Sotto III ni PROMDI standard-bearer at Senador Manny Pacquiao.
Sa ginanap na Pandesal Forum, sinabi ni Lacson na inimbitahan nito sina Pacquiao at running mate nitong si House Deputy Speaker Lito Atienza sa gagawing political rally ngayong araw sa Quezon Memorial Circle para itaas ang kamay ni Sotto bilang common candidate ng mga ito.
Magugunitang tinanggap na ni Lacson ang apology ni Atienza matapos hilingin ng huli sa una na umatras na sa presidential race dahil sa hindi umaakyat sa survey ang pangalan nito.
Nang usisain ng mga mamamahayag si Lacson kung handa itong makipag-usap kay Atienza para mapag-usapan ang suhestiyon nitong maging common candidate si Sotto ay nakangiting tumugon.
“Yes I am willing. Ako I walk the talk so sinabi ko kanina ‘yun ang suggestion sa halip na mangengganyo na mag-withdraw, adopt na lang natin na common candidate, gusto n’yo magkasama kaming tatlo sa stage para itaas ang kamay ni Senate President,” sabi ni Lacson.
“Bahala na ang tao mamili sa amin ni Senator Pacquiao. May mga katangian siya na siguro wala sa akin at may katangian ako na siguro wala sa kanya. So mas maganda gusto n’yo simulan natin mamaya, um-attend na siya doon sa rally naming mamaya,” dagdag pa ni Lacson.
Ang nasabing rally ay inorganisa umano ng mga tagasuporta ng Lacson-Sotto tandem mula sa Metro Manila at sa iba pang kalapit probinsya.
“Iniimbitahan namin, kung pwedeng gawan ng pahayag ni Mayor Lito na magwi-withdraw siya at ako naman willing akong i-share si Senate President Sotto na common candidate namin ni Senator Manny,” ayon pa kay Lacson.
Sa panig naman ni Sotto, wala aniya itong reaksyon kundi magpasalamat sa mga endorsement mula sa mga kaibigan at ng taumbayan.
“Wala akong ibang reaksyon kundi magpasalamat siyempre sa endorsement, endorsement ng mga kaibigan, endorsement ng taumbayan. Laging welcome ‘yan. Ang totoo n’yan, bago kami mag-file, nag-meeting kaming tatlo ni Senator Pacquiao, nabanggit na ni Senador Lacson sa kanya ‘yun. Wala lang kaming naging desisyon nu’ng araw na ‘yun,” paliwanag ni Sotto.
