
Ni NOEL ABUEL
Suportado ni Senador Christopher “Bong” Go ang panukalang tapusin na ang short-term employment o mas kilalang “endo” o “end-of-contract” sa mga manggagawa sa buong bansa kung kaya’t sa susunod na Kongreso ay maghahain ito ng panukalang batas na kahalitulad ng anti-endo.
Ayon kay Go, bagama’t nauna nang na-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang anti-endo measure noong 2019 sa kadahilanang pinalawak nito ang saklaw at kahulugan ng illegal “labor-only contracting”, na epektibong nagbabawal sa mga lehitimong paraan ng kontraktuwalisasyon na hindi nakakapinsala sa mga manggagawa.
“Ako naman po, pabor ako dito sa (ending) endo. Kung na-veto man po ito, may dahilan ang Executive Department dahil masyado pong broad ito noon,” sabi ni Go.
Paliwanag pa nito na nagawang i-veto ng Pangulo ang nasabing panukala matapos ang isinagawang pag-aaral ng mga ahensya ng pamahalaan.
“Usually naman po pag merong panukalang batas, pinag-aaralan ng executive, different agencies. Binibigyan po ng comments. Siguro ‘yun po ang rekomendasyon ng iba’t ibang department. That is why they decided to veto,” ayon pa dito.
Dagdag pa ni Go, nakahanda aniya itong maghain at sumuporta sa kahalintulad na panukalang batas na tumutugon sa mga alalahanin ng ehekutibo dahil ang nasabing panukala ay isa rin sa mga prayoridad ng Pangulo gaya ng nabanggit nito sa kanyang State of the Nation Addresses (SONA).
“Hindi pa naman po ako part ng Senado during that time so I’m willing to file, to push for its enactment po sa next Congress tutal ito naman po ay isa sa mga priority ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA,” pagtitiyak ni Go.
Sa kabilang banda, ipinunto ni Go, na naglabas ang Pangulo ng President issued Executive Order No. 51, na nagbabawal sa contracting o subcontracting kung nilalabag nito ang karapatan ng mga manggagawa sa usapin ng security of tenure, collective bargaining, self-organization, at mapayapang aktibidad.
Iginiit pa ni Go na dapat balansehin ng gobyerno ang interes ng lahat ng stakeholders sa pagsasaalang-alang ng anti-endo measures.
“Importante po dito balansehin natin ang lahat bago natin ipasa ang batas. Balansehin natin ang lahat na hindi mahihirapan… Pero importante pa rin po dito ang kapakanan po ng mga workers, ‘yung mahihirap na workers. Ayaw naman natin matigil po ang negosyo dahil wala na pong magbibigay ng trabaho sa maliliit na trabahante,” paliwanag nito.
