
Ni NOEL ABUEL
Inendorso nina Ormoc City Mayor Richard Gomez at asawa nitong si Leyte Rep. Lucy Torres Gomez ang kandidatura nina dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte.
Sa campaign rally na isinagawa sa Ormoc City, ipinakilala ni Gomez si Marcos bilang susunod na pangulo ng bansa na sinegunadahan naman ni Torres.
“Here is a man who is a foster boy for unity. He offers unity, healing moving forward,” sabi ni Torres.
Sinabi pa ng kongresista na malaking bagay na naging panauhing pandangal sa nasabing rally si Marcos.
“We always say that it is an act of God, the presidency is destiny. And if it is in God’s will for this man to be our next President, I know that he will be the best that we ever have in this country,” pahayag pa nito.
Samantala, si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang naging kinatawan ni Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) president at Davao City Mayor Sara Duterte.
Sa pahayag ni Dela Rosa, ipinarating nito ang mensahe ni Duterte na magiging cooperative partner ni Marcos sa oras na manalo ang mga ito sa May 9 elections.
Kasama rin na dumalo sa campaign rally ang iba pang opisyal ng lalawigan kabilang sina Ormoc Vice Mayor Toto Locsin, Merida Mayor Lando Villacencio, Matag-ob Mayor Mike Danguillas, former Palumpon Mayor Georgina Arevalo, dating Isabel Vice Mayor TJ Alcantara, Kanganga Mayor Matt Torres, Albuera Mayor Sixto dela Victoria, at provincial board members Ninoy Arevalo at Vince Rama.
Ang pag-endorso ng Ormoc at ng ikaapat na distrito ng Leyte sa BBM-Sara tandem ay kasunod ng pag-endorso rin ng iba pang local executives kabilang sina Leyte Gov. Leopoldo Dominico “Mic” Petilla at dating Energy secretary at gubernatorial candidate Jericho Petilla, gayundin sa Southern Leyte sa pamumuno ni Gov. Damian Mercado at Vice Gov. Christopher Yap.
Kasama ni Marcos Jr. ang kanyang UniTeam senatorial candidates at si House Majority Leader Martin Romualdez, pangulo ng Lakas-CMD.
