
Ni NOEL ABUEL
Tama na ang pananahimik. Panahon na para mag-ingay.
Ito ang panawagan nina independent presidential candidate at Senador Panfilo Ping Lacson at ng running mate nitong si Senate President Vicente Sotto III.
“Thank you ‘Pure Love’, ‘True Friends’, ‘Lacson Sotto Support Group’ for organizing your ‘Supporters Rally’ and making it happen today. It’s time to stop being silent. Get out of your echo chamber to be heard by the people. No balloons, no umbrellas, no props. Just pure love,” ani Lacson sa kanyang Twitter account Sabado ng gabi, matapos ang supporters’ rally para sa kanya at kay Sotto sa Quezon Memorial Circle.
Mainit ang pagtanggap ng mga supporters kay Lacson at Sotto, pati na sa kanilang mga pamilya, sa rally na nagsimula Sabado ng hapon at natapos pasado alas-8:00 ng gabi.
Nabatid na sa nasabing rally, iginiit ni Lacson na marami pang dapat gawin sa isang buwang nananatili sa campaign period at malaki pa umano ang magagawa ng mga supporters sa pamamagitan ng pagkumbinsi sa kamag-anak at kaibigan na iboto ang pinakakwalipikado, may karanasan, at may kakayahan.
Samantala, lumagda si Lacson at Sotto sa harap ng kanilang mga supporter ng “Panunumpa sa Sambayanang Pilipino” para tiyaking walang bahid ng katiwalian ang kanilang panunungkulan.
“Kami, ang tambalang Lacson-Sotto, ay taimtim na nanunumpa, na kapag kami ay nahalal bilang Pangulo at Pangalawang Pangulo ng bansa, ay pangangalagaan namin ang inyong tiwala; titiyakin naming walang bahid ng katiwalian ang aming panunungkulan, upang hindi masayang ang inyong boto,” ayon kay Lacson at Sotto sa kanilang panunumpa.
“Ang lahat ng plataporma na aming inihain ngayong kampanya, ay aming tutuparin ng buong husay at katapatan; Uunahin at isasaalang-alang namin ang kapakanan ng Bansang Pilipinas at ng mamamayang Pilipino,” dagdag ng mga ito.
