

NI NERIO AGUAS
Bumagsak na sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang dayuhan na pawang wanted sa kanilang bansa sa isinagawang magkahiwalay na operasyon sa pinagtataguan ng mga ito sa Maynila.
Kinilalani BI Commissioner Jaime Morente ang mga nahuling dalawang dayuhan na sina Khalil Kamal Hattar, 56-anyos, isang US national, at Lee Jung Hun, 59-anyos, isang Korean national ng mga taauhan ng fugitive search unit (FSU) ng BI.
Ayon kay BI-FSU Chief Rendel Ryan Sy, unang naaresto si Hattar sa kahabaan ng Roxas Blvd., sa Ermita, Manila sa bisa ng mission order na inilabas ni Morente.
Nabatid na si Hattar ay may warrant of arrest na inilabas ang Superior Court of the State of Arizona noong 2015 kaugnay ng paglabag sa probation sa kasong kinakaharap nitong child abuse per domestic violence base sa ipinadalang impormasyon ng US authorities noong buwan ng Marso.
Samantala, sunod namang naaresto si Lee sa kahabaan ng Adriatico Street, Ermita, Manila ng mga tauhan ng BI-FSU sa bisa ng warrant of deportation ng BI.
Si Lee ay nasa ilalim ng Interpol red notice at may arrest warrant laban dito na inilabas ng Seoul central district court noong Hulyo 2015.
Ayon kay Sy, nagtago sa bansa ang nasabing dayuhan upang takasan ang kaso nitong may kaugnayan sa pagtangay sa mga kababayan nito ng nasa 300 million Korean won noong Nobyembre 2009.
Kasalukuyang nakadetine sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa ang nasabing dalawang wanted na dayuhan habang inihahanda ang dokumento para ipatapon pabalik sa mga bansa ng mga ito.
