
Ni NOEL ABUEL
Umaasa si Senador Win Gatchalian na lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “National Energy Policy and Regulatory Framework for the Use of Electric Vehicles (EVs) and the Establishment of Electric Charging Stations” at ang “SIM Card Registration Act”.
“Malaking tulong para sa mga awtoridad na mapabilis ang paglutas ng mga krimen o magkaroon ng pagkakakilanlan ang mga kriminal kapag batas na ang pagpaparehistro ng mga SIM card,” ani Gatchalian, isa sa may-akda sa Senado ng naturang panukala.
Aniya, malaking tulong na maipasa ang SIM Card Registration laban sa paglaganap ng mga text scam, unsolicited text messages o mga nag-aalok ng peke o kahina-hinalang trabaho, smishing at iba pang mapanlinlang na mga gawain.
“Noong una kong inihain ang SIM card registration bill sa House of Representatives noong 2013, ang layon nitong tugunan ay pabilisin ang pagresolba sa mga insidente ng terorismo at kriminal na gawain ng mga sindikato na may kinalaman sa SIM card. Ngunit sa paglipas ng panahon, ang paggamit ng mga SIM card na walang pagkakakilanlan ay naging kapaki-pakinabang sa mga gumagawa ng mga ilegal na gawain at naging hadlang sa pagtunton sa kanila ng mga awtoridad,” paliwanag ni Gatchalian.
Maliban aniya sa pagsugpo sa kriminalidad, ang pagsasabatas ng pagpaparehistro ng SIM card ay magtatatag ng isang sistema na magpapaigting sa seguridad ng mga digital transaction at makakaiwas sa mga pandaraya o mapanlinlang na text messages.
Mapapalawak din umano nito ang access ng mga konsyumer sa mga serbisyong e-government at mapapalago ang mga mobile e-commerce.
Samantala, ang iminungkahi naman ng Electric Vehicle Industry Development Act ni Gatchalian ay magbibigay daan sa pagtatatag ng mga itatalagang parking slots at charging points para sa mga EVs upang palaganapin ang pagtangkilik sa mga ganitong uri ng transportasyon sa bansa.
Sinabi nito na kung maipapatupad ito ay makakatulong na mabawasan ang konsumo ng langis sa bansa ng hanggang 146.56 milyong bariles kada taon o magkaroon ng katipiran o savings na aabot sa $9.8 bilyon o halos P510 billion kada taon batay sa kasalukuyang exchange rate.
