P100M COVID-19 free test sa mga bagong pasok sa trabaho

Ni NERIO AGUAS

Naglaan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P100 milyon para sa libreng COVID-19 test ng mga manggagawang bagong pasok sa trabaho na nangangailangan ng negatibong resulta ng RT-PCR test bilang pre-employment requirement.

Nakasaad sa inilabas na Department Order 232, Series of 2022, saklaw ng programa ang mga natanggap sa trabaho pagkatapos maging epektibo ang DO at ang mga manggagawa na natanggap sa trabaho simula noong Pebrero 1, 2022 na hindi pa nagampanan ang posisyon dahil sa kawalan ng negatibong resulta ng RT-PCR test.

Para makatanggap ng COVID-19 test subsidy, kailangang magsumite ang bagong pasok sa trabaho ng photocopy ng valid government-issued ID at duly accomplished subsidy application form sa pinakamalapit na DOLE Field Office.

Kailangan ding magsumite ng certificate of engagement, acceptance, o appointment na nilagdaan ng may-ari ng establisimiyento, general manager, o human resource manager para sa mga natanggap sa pribadong lokal na establisimiyento at ng mga recruitment agencies na nagde-deploy ng mga manggagawa sa ibang bansa; o pinuno ng ahensya o pinuno ng tanggapan ng human resource para sa mga tinanggap sa alinmang sangay o instrumental ng pamahalaan.

Susuriin ng kinauukulang DOLE Field Office ang aplikasyon sa loob ng tatlong araw simula nang ito ay matanggap at ieendorso ang mga nasuring aplikasyon sa kinauukulang Regional Office.

Pagkatapos ay aabisuhan ng DOLE Regional Office ang aplikante sa loob ng limang araw kung ang aplikasyon ay naaprubahan o hindi sa pamamagitan ng electronic mail/SMS.

Sa oras na maaprubahan, dapat isama ang electronic mail sa impormasyon na ipapakita ng benepisyaryo sa testing center, tulad ng reference number at petsa, oras, at lugar ng testing.

 Upang matiyak na maayos na naipatutupad ang programa, inaatasan ang mga DOLE Regional Office na magsumite ng lingguhang ulat sa Bureau of Local Employment.

Leave a comment