
Ni NOEL ABUEL
Tinitiyak ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano na patuloy nitong isusulong ang mga kinakailangang batas at programa na tumutugon sa pangangailangan ng mga Filipino sa sandaling makabalik ito sa Senado sa darating na May elections.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Cayetano na kailangan ng Senado ang mga mambabatas na ang prinsipyo ay mamumuhunan sa mga tao at may “Honor God” sa kanilang bawat desisyon.
“Kasi kapag tama ang values, tama ‘yung mga industriya, tama ‘yung mga patakaran, tama ‘yung mga programa, ‘yung sinasabing safe and comfortable life babalik ‘yan,” aniya.
Nagpahayag ng pagkabahala ang beteranong mambabatas sa mga naipasang panukalang batas ng Kongreso na nakatuon sa pagbuo ng kita tulad ng pagbibigay ng 25-year franchise sa online sabong operators gayundin ang Vape Bill.
“Kasi ang nangyayari, ‘pag inuna mo ang pera – not just corruption, basta’t pera – mali ang nagiging desisyon. Even sa House ‘yun po ang sinabi ko sa ating team na nagpapatakbo sa mga chairman: ‘wag nating unahin ‘yung pera; ang unahin natin ano’ng kailangan,” sabi pa nito.
Ani Cayetano, na muling nagbabalik sa Senado, na nakabatay sa pananampalataya at values-oriented agenda, ay kumikilos sa “tamang prinsipyo” at “honoring God”, anuman ang relihiyon na nagtrabaho para sa mas mataas na urbanisadong lungsod ng Taguig.
“Pinagbawal namin lahat ng sugal, wala kaming sabungan, wala kaming casino, wala kaming bingo, et cetera. Nakiusap kami sa mga kababayan, ‘work hard tayo, aral.’ By the time she (former Mayor Lani Cayetano) left, P10 billion na ‘yung collection [ng Taguig], walang utang,” paliwanag nito.
Ang pamahalaang lungsod ng Taguig sa ilaim ng mga Cayetano ay naninindigan na bawal ang anumang uri ng sugal at sa halip ay lumikha ng isang business-friendly environment sa pamamagitan ng pag-alis sa red tape at pagpasok sa public-private partnerships.
Naging matagumpay rin umano ang nasabing city government na maipatupad ang mga social services tulad ng libreng de-kalidad na edukasyon at pangangalagang pangkalusugan.
Naniniwala si Cayetano na magagawa rin umano ito sa buong bansa basta tama lang ang mga values at prinsipyo ng bansa.
“Kapag tama ang values at prinsipyo ng isang bansa, sigurado ang pag-unlad,” aniya pa.
Umapela rin ito sa mga botante na masusing pag-aralan kung sinong mga kandidato ang pipiliin sa darating na eleksyon hindi lamang sa nagsasabing sila ay gagawa ng mabuti kundi handang pigilan ang kasamaan.
“Iniisip nu’ng iba kahit sinong pulitiko nandiyan wala ring mangyayari, ‘Kahit sino kayong nandiyan parating may corruption,’ et cetera. That’s not true. ‘Yung iboto mo, ke kapitan ‘yan, ke konsehal, ke presidente, it matters. It can change our lives,” sabi pa ni Cayetano.
