Comelec kinalampag ng senador

Senador Leila de Lima

NI NOEL ABUEL

Kinalampag ni Senador Leila de Lima ang Commission on Elections (Comelec) na agad na tugunan ang mga ulat na problemang  ibinabandera ng mga overseas absentee voters mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

 Sinabi ng senador na hindi dapat balewalain ng Comelec ang nasabing ulat at kawalan ng pagsisikap ng Philippine embassy at konsulado sa Dubai at Singapore na ipaalam sa mga absentee voters ang tungkol s amga proseso ng botohan kung saan maaari aniyang ipagkait sa mga overseas Filipino workers (OFWs) ang karapatan ng mga itong lumahok sa eleksyon.

“The recent concern raised by community leaders of OFWs about alleged lack of effort of some Philippine embassies and consulates to disseminate important election-related information and timely inform overseas Filipino voters about the electoral processes is truly alarming,” sabi ng re-electionist na senador.

Nagbabala pa ito na hindi malayong masayang lang ang boto ng mga OFWs kung hindi matutugunan ang naturang usapin sa ibang bansa.  

“Nagsimula na ang absentee voting na magtatagal hanggang May 9, at kung hindi maayos na matugunan ang mga isyu na kinakaharap ng mga kababayan natin sa abroad ay maraming boto ang maaaring masayang, o kaya naman ay maging sanhi ng  iregularidad at pandaraya,” aniya pa.

Una nang ipinarating ng ilang grupo ng mga Pinoy na nakabase sa Hong Kong, Italy, Saudi Arabia, Canada, at Estados Unidos na posibleng magkaroon ng disenfranchisement ng mga overseas voters dahil sa kawalan ng paghahanda ng ilang Philippine embassies at consulates na magsagawa ng month-long polling exercise.

Inihalimbawa pa nito ang pahayag ni Migrante Saudi Arabia Chairperson Marlon Gatdula, na ilang domestic helpers ang walang legal na basehan na humingi ng day off sa kanilang mga employers para makaboto.

“Mahalaga ang ating boto at dapat mabilang ito, kaya hinihikayat ko ang lahat ng ating mga kababayan sa iba’t ibang panig ng mundo, na bukod sa responsableng pagpili ng mga kandidato ay maging mapagmatyag sa mga posibleng pandaraya o iregularidad. Huwag nating hayaang masayang ang boto natin,” panawagan pa ni De Lima.

Sa datos, nasa mahigit sa 1.6 milyon ang bilang ng mga Filipinong nakarehistro bilang vote overseas na malaking kabawasan simula ng noong 2004 nang isagawa ang overseas elections.

Leave a comment