
NI NOEL ABUEL
Nanindigan si dating House Speaker Alan Peter Cayetano na dapat na igiit ng pamahalaan ang maritime territorial claims sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng diplomasya at hindi kailanman sa armadong tunggalian.
“Definitely territory natin ‘yan. Definitely wala dapat compromise sa West Philippine Sea. Ang pinag-uusapan lang, handling,” ani Cayetano.
“Mag-usap tayo, paano ba ang gagawin natin diyan,” dagdag nito.
Ipinunto pa ni Cayetano, na dating nanungkulan bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA), na bagama’t ang diplomasya ay hindi isang catch-all solution para sa lahat ng hidwaan sa labas ng bansa, ay makakatulong naman para mapawi ang tensyon sa iba ang bansang umaangkin sa WPS.
Ibinahagi nito ang naging karanasan sa pakikitungo sa China, na ikalawa sa buong mundo na may malaking ekonomiya at isa sa umuusbong na may kapangyarihang militar sa Asia-Pacific region, nalaman aniya nito na ang Beijing ay higit na tumatangkilik sa mga backchannel talks na kadalasang nauuwi sa tensyon.
“Kapag pinapahiya in public at tsaka sa media, lalo nilang pinapatulan kasi sasabihin nila na right nila ‘yun. Pero kapag nag-uusap quietly na, ‘sandali lang, right ninyo ‘yun pero right din naman namin e, kung ganito mangyayari sa ‘tin e magkakagulo tayo,’” sabi ni Cayetano.
Sinabi pa ng senador na mas nais ng China na magsagawa ng diplomatikong pag-uusap sa Manila, isang bagay na inilarawan nito na ang “telephone diplomacy,” sa halip na sa pamamagitan ng “microphone diplomacy” na pampublikong pahayag dahil hindi nakikita ng Beijing ang Pilipinas na kalabang bansa.
“Naiipit lang tayo, kasi actually ang magkalaban ‘yung Western countries at ‘yung China, hindi tayo,” ani Cayetano.
Sinabi pa ng mambabatas na ang Pilipinas ay may maayos na relasyon sa Vietnam at Malaysia, na ang militar ay naglagay ng permanenteng presensya sa mas maraming maritime features sa loob ng exclusive economic zone ng bansa kumpara sa China.
“Hindi tayo nag-iingay versus Vietnam at Malaysia, kasi nag-uusap tayo at nagbubusinahan tayo. Pero lumapit ka rin du’n sa mga kung nasaan sila may military, sasabihan ka rin, this is Vietnamese territory. Sila, lumapit sa atin, sasabihan natin, this is Philippine territory,” dagdag pa nito.
