
Ni NOEL ABUEL
Nanindigan si Senador Win Gatchalian na patuloy nitong isusulong ang inihain nitong panukala na huwag nang patawan ng buwis ang honoraria, travel allowance, at iba pang mga benepisyo ng mga poll workers, kabilang ang mga guro, mga opisyal, at mga kawani ng Department of Education (DepEd).
Aniya, hindi pinapatawan ng buwis noon ang election honoraria at allowances ng mga poll workers, kabilang ang mga public school teachers sa mga nakalipas na taon.
Ngunit noong 2018 Barangay at SK Elections at 2019 midterm elections ay nagsimulang patawan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng 5% na withholding tax ang kanilang honorarium.
At sa parating na halalan, magiging 20% na ang ipapataw na withholding tax sa honorarium at travel allowance ng mga poll workers kung saan inaasahang mahigit 300,000 mga guro ang magsisilbi sa mga electoral boards sa araw ng halalan.
Sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, ang election honoraria ng mga poll workers ay papatawan ng income tax kung ang kanilang taunang taxable income ay lagpas sa P250,000 at kinakailangan pang magsumite ng declaration ng tax exemptions, bagay na nagdudulot pa ng abala sa mga poll workers na tatanggap ng kanilang sahod.
Inihain ni Gatchalian noong 2019 ang Senate Bill No. 1193 upang matanggap ng mga poll workers ang buong halaga ng kanilang honoraria, travel allowance, at iba pang mga benepisyo.
Sa kanyang paghain ng panukalang batas, kinilala ni Gatchalian ang pagsasakripisyo, pagkamalikhain, at patuloy na pagsisikap ng mga guro na madalas ay nagtatrabaho ng higit sa dalawampu’t apat na oras upang matapos ang transmission ng mga resulta.
Aniya ang pagbibigay ng buong halaga ng sahod at mga benepisyo sa mga poll workers ang pinakamagandang paraan upang pasalamatan sila sa kanilang papel sa pagpapanatili ng kaayusan ng halalan.
Noong nakaraang Nobyembre, nag-isyu ang Commission on Elections (COMELEC) ng resolution kung saan nakasaad ang honoraria na matatanggap ng mga poll workers kung saan ang chairperson ng electoral board ay nakatakdang makatanggap ng P7,000 at P6,000 naman ang matatanggap ng mga miyembro ng electoral boards habang P5,000 para sa mga DepEd Supervisor Officials (DESO), at P3,000 para sa support staff at medical personnel.
Ang mga poll workers ay nakatakda ring makatanggap ng P2,000 transportation allowance, P1,500 communication allowance, at P500 anti-COVID allowance, medical at accident insurance.
