
Ni NOEL ABUEL
Dahil sa patuloy na sama ng panahon ay ipinagpaliban nina independent presidential aspirant at Senador Ping Lacson at vice presidential bet at Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang pagtungo ng mga ito sa lungsod ng Iloilo.
Ngunit sinabi ng kampo nina Sotto at Lacson na nag-organisa naman ng relief operations ang mga tagasuporta ng mga ito sa Iloilo City at Estancia na isa sa mga bayan sa Iloilo na lubhang naapektuhan ng pagbaha dulot ng Tropical Cyclone Agaton.
Nakatakda sanang bumisita ang Lacson-Sotto tandem sa Estancia nitong Miyerkules ngunit ipinagpaliban muna nila ito dahil sa masamang panahon.
“It is very heartening to know that our volunteers decided to share what they have for their fellow Filipinos – all without fanfare. We cannot thank them enough for taking the initiative to ‘convert’ a sortie into a meaningful humanitarian cause like what they are doing now,” ani Lacson base sa mga ulat na kanyang natanggap mula sa Lacson Sotto Support Group (LSSG).
Kasama sa relief goods na inihanda ng mga miyembro ng LSSG ang bigas, mga de lata, noodles, damit at face mask.
Patuloy rin anilang nakikipag-ugnayan ang mga ito sa Philippine Coast Guard sa pamamahagi ng relief items sa mga apektadong lugar sa Northern Iloilo, kabilang na ang Pilar, San Dionisio, Sara, Lemery, at Ajuy.
