

Ni NOEL ABUEL
Nanindigan si Senador Christopher “Bong” Go na kailangan nang maglatag ng ligtas at maayos na evacuation centers sa bawat munisipalidad at syudad sa buong bansa bilang paghahanda sa pananalasa ng mga kalamidad.
Ito ang sinabi ng senador matapos ang pagpapasinaya sa Multipurpose Evacuation and Convention Center sa Pueblo de Panay sa lalawigan ng Capiz kung saan dapat aniyang tularan ito ng iba pang local government units (LGUs).
Una nito, nagsagawa ng aerial inspection si Go kasama si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lugar na dinaanan ng Tropical Storm “Agaton” tulad ng Pontevedra, Capiz kung saan namahagi ang mga ito ng tulong.
“Tuluy-tuloy lang ang aming pagseserbisyo kahit Semana Santa lalo na sa mga nasalanta ng bagyo. Hindi po kami titigil ni Pangulong Duterte sa pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayan. Wala pong pahinga ang aming pagseserbisyo sa bayan,” ani Go.
Ang nasabing proyekto na may pondong P237.376 milyon at pinondohan ni Go bilang vice chairman ng Senate Committee on Finance, ay inisyatiba ng pamahalaaang panlalawigan katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Hindi po natin alam kung kailan dadating ang sakuna sa bansa kaya naman po mas mainam na lagi tayong handa para maging ligtas ang ating mga mamamayan. Ako po ay tiwala na kapag ito ay natapos na, marami itong matutulungan na kababayan natin diyan, hindi lamang sa Roxas kundi sa iba pang bayan diyan sa probinsya ng Capiz,” paliwanag ni Go.
“Kapag dumating ang malakas na bagyo o kung anumang sakuna, sa mahihirap po talaga malakas ang epekto nito. Kada taon, iba’t ibang krisis ang hinaharap ng Pilipinas kaya naman dapat mabilis ang aksyon ng gobyerno upang mapaghandaan at maprotektahan ang buhay at kapakanan ng mga Pilipino,” dagdag pa nito.
