‘Dapat one-step ahead tayo,’: Ipasa na ang Disaster Resiliency—Sen. Go

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Muling ipinanawagan ni Senador Christopher Bong Go na dapat nang ipasa at ipatupad ang disaster resiliency upang hindi na maulit pa ang nangyaring malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa iba’t ibang lugar sa Visayas at Mindanao na nag-iwan ng libu-libong nawalan ng tirahan dahil sa tropical storm Agaton.

Sinabi ng senador na personal nitong nasaksihan ang nakapanlulumong kalagayan ng mga naapektuhang pamilya at nawalan ng trabaho at mahal sa buhay dahil sa kalamidad.

Mula aniya nang mag-landfall ang bagyong Agaton sa Guiuan, Eastern Samar noong Abril 10, umakyat na sa 167 ang kabuuang nasawi dahil sa landslide sa mga lugar na tinamaan ng bagyo partikular sa bayan ng Abuyog at Baybay City, sa Leyte.

Samantala, ang mga naapektuhang indibiduwal mula sa Bicol region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Region 12, Caraga, at BARMM ay umabot sa 1,939,514 habang nasa 348,359 naman ang nawalan ng tirahan at ngayon ay nananatili sa evacuation centers.

Muling idiniin ni Go na bagama’t hindi maiiwasan ang mga  natural na kalamidad lalo na at ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansa sa buong mundo na naapektuhan ng climate change, ang magagawa ng pamahalaan ay palakasin ang paghahanda sa sakuna, bawasan ang mga nasasawi at pabilisin ang pagbangon tulad na lamang ng pagpasa sa Senate Bill No. 205 at SBN 1228 o ang Disaster Resilience Act.

“I will not lose hope. Patuloy akong mananawagan. Maybe, at the proper time, ay maipapasa na rin ito dahil kailangan talaga natin ng cabinet-level na secretary […] para mas mabilis ‘yung koordinasyon between the national government agencies and local government offices. Dapat one-step ahead tayo kung mayroong paparating na mga kalamidad at sakuna,” sabi ni Go.

Sa ilalim naman ng SBN 1228, layon nito na magtatag ng ligtas at maayos na evacuation center sa bawat munisipalidad, lungsod at lalawigan sa buong bansa.

Ang nasabing dalawang panukala ay kasalukuyang nakahain sa Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation.

Leave a comment