Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center malaking tulong sa mahihirap — solons

Rep. Angelina Tan
Rep. Mark Enverga

NI NOEL ABUEL

Nagpasalamat sina Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan at Rep. Mark Enverga kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasabatas para sa pagtatayo ng Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center sa Tayabas, Quezon.

Ayon kay Tan, alinsunod sa layunin ng Universal Health Care (UHC) Act ang Republic Act No. 11702 na inakda nito at ni Enverga para sa pagtatayo ng nasabing ospital na magsisilbing kauna-unahang pagamutan para sa iba’t ibang uri ng sakit sa Timog Katagalugan at isa sa magiging apex hospital o end-referral hospital sa lugar.

Ito ay pamamahalaan ng Department of Health na syang sisiguro sa pag-abot ng mahusay, epektibo, at abot-kayang serbisyong pangkalusugan.

 “Ito po ay isang mahalagang hakbang sa pag-abot ng ating pangarap na kalusugan para sa lahat ng Pilipino”, banggit ni Tan.

Aniya, maraming mahihirap na may sakit ang makikinabang sa pagtatayo ng Southern Luzon MSMC.

“Napakalaking tulong ang pagtatayo ng ospital dahil hindi na magsisiksikan ang maraming mahihirap na mga pasyente sa Kamaynilaan upang magpagamot at higit na mabibigyan ng kagyat na atensyong medikal ang mga may karamdaman sa Southern Tagalog na siyang itinuturing ngayon na may pinakamataas na bilang ng populasyon sa buong bansa”, paliwanag ni Tan.

Makikinabang rin sa nasabing panukala ang mga pasyente sa Bicol at maging ang Metro Manila kung nasaan matatagpuan ang mga specialty hospitals tulad ng Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, at Lung Center of the Philippines, bukod sa iba pang mga specialty hospitals.

Ang Southern Tagalog region ay binubuo ng lalawigan ng Batangas, Cavite, Laguna, Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan, Rizal, Romblon, Aurora, at Quezon kasama ang 1st class highly urbanized na Lungsod ng Lucena.

Leave a comment