
NI NERIO AGUAS
Nagtapos na ang dalawang taong pagtatago sa Pilipinas ng isang Korean national matapos madakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Angeles City, Pampanga.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang nasabing dayuhan na si Yang Heejun, 40-anyos, na wanted sa bansa nito dahil sa kasong burglary at theft.
Nabatid na nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng fugitive search unit (FSU) ng BI sa tulong ng Angeles City police Station 4 laban sa naturang dayuhan na nasa Interpol red notice at may arrest warrant na inilabas ng Seoul central district court kung saan nahaharap ito sa kasong Special Larceny, Destruction at Damage to property.
“He was arrested on the strength of a deportation warrant, and our legal division is now making arrangements for his trip to South Korea so he could stand trial for his crimes,” sabi ni Morente.
Sa record ng BI, dumating sa bansa si Yang noong Enero 2020 sa panahon ng pandemya at mula noong ay nagtago na sa Angeles City.
Base sa impormasyon ng Interpol’s national central bureau (NCB) sa Manila na si Yang ay napatunayang pinasok ang bahay ng kababayan nito sa Seoul noong Disyembre 31, 2019 at tinangay ang nasa 18 million won, o katumbas ng US$15 million.
Si Yang ay kasalukuyang nakakulong sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Tagig City habang inihahanda ang dokumento para sa agaran nitong pagpapatapon pabalik ng South Korea para harapin ang kaso nito.
Sinabi pa ni Morente na ilalagay na sa immigration blacklist order ang nasabing dayuhan upang hindi na muli pang makapasok ng Pilipinas.
