
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano na maraming isyu ang natuklasan sa ginanap na pagdinig ng Senado sa mga nawawalang sabungero na nagpatibay sa pangangailangang tuluyan nang i-ban ang e-sabong o online betting game sa bansa.
“Imagine, how many sessions would it take for us to institutionalize all of the Committee’s recommendations to solve the whole problem? Paano kung habang ginagawa pa lang ang mga batas, may mga nawala na naman?” tanong ni Cayetano.
Sa ikaapat na pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamunuan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, idineklara nitong tapos na ang pag-iimbestiga ng nasabing komite sa patuloy na pagkawala ng 34 sabungero na sinasabing sangkot sa online sabong activities.
Napagpasyahan ng komite na dapat gumawa ng kaukulang batas na kumokontrol sa industriya ng e-sabong tulad ng paglilimita sa operasyon nito tuwing araw ng Linggo at legal holidays; malinaw na kapangyarihan at tungkulin ng mga ehensya ng pamahalaan na sangkot sa e-sabong; at mahigpit na impelementasyon ng pagpapataw ng buwis sa e-sabong operators at ng ahente.
Inirekomenda rin ng komite ang pagbuo ng batas na magtatayo ng reward system sa mga indibiduwal na magiging saksi at may kaalaman sa krimen na makakatulong sa mga law enforcement personnel sa pag-iimbestiga.
Sinabi ni Cayetano na habang inihahanda ng Senado ang rekomendasyon nito sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan, ang mga partikular na nauukol sa e-sabong ay kailangan pa ring sumailalim sa mahabang proseso.
“Yung mga specific sa e-sabong kagaya ng kung kailan lang dapat pwede i-hold, ano ang role ng bawat agency, at paano dapat ang pag-tax, panibagong series of discussions pa ‘yun,” sabi nito.
Paliwanag pa ni Cayetano, ang online gambling ay maaaring kahit sino ang maglaro 24/7 kahit mga kabataan kung kaya’t dapat na magpasa ang Kongreso ng isa pang batas na nag-aataas sa mga kumpanya ng virtual wallet na magpatupad ng mas mahigpit na patakarang “know-your-customers” policy mula sa pagpaparehistro hanggang sa paggamit ng account.
Ito aniya ang dahilan nito kung kaya’t matatag ang pagtutol nito sa e-sabong at sa lahat ng uri ng internet gambling na dapat na ipagbawal.
“This should not take root in our country. All I can see in e-sabong is danger, danger, danger,” aniya.
Muli ring iginiit ni Cayetano na maraming paraan kung saan makakapagbigay ng pondo at kita ang gobyerno kabilang ang pagpataw ng limang porsiyentong mandatory savings sa lahat ng ahenya ng pamahalaan sa susunod na limang taon para makaipon ng P250 bilyon para pondohan ang direktang tulong sa mga mahihirap na Filipino.
Sinabi pa nito na maaaring pasiglahin ng pamahalaan ang paglago ng ekonomiya sa bansa sa pamamagitan ng pagtulong sa maliliit na negosyante para makabangon.
“Kung revenue ang kailangan, wouldn’t it be much better kung kikita ang gobyerno sa pag-encourage sa mga aktibidad na talagang produktibo at hindi nakakasira ng pamilya?” pag-uusisa pa ni Cayetano na tumatakbong senador sa darating na eleksyon.
