
NI NOEL ABUEL
Kinondena ni UniTeam vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte ang nangyaring kaguluhan sa campaign sortie ni presidential candidate aspirant Leodegario “Leody” de Guzman sa Quezon, Bukidnon.
“Of course, lahat ng election violence and allegations of fraud, we condemn that. We already wrote the Commission on Elections (Comelec) a general letter that if there is any allegation or incident, dapat lahat ‘yun buksan nila with an official inquiry,” paliwanag ni Duterte sa gitna ng pakikipag-usap nito sa mga health workers mula sa Nursing Service Administrators of the Philippines (ANSAP) at the Provincial Capitol Auditorium sa Batangas City.
Ani Duterte, Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) at Hugpong ng Pagbabago (HNP) chairperson, hindi katanggap-tanggap ang ulat na ilang security guards ng isang pineapple plantation ang nagpaulan ng bala sa mga miyembro ng isang tribo kasama si De Guzman habang inookupa ang lupa na hindi naman tinataniman ng pinya.
Sa ulat, muntik nang tamaan ng bala si De Guzman sa palitan ng putok ng dalawang panig.
Si Duterte at si UniTeam standard-bearer at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay bumisita sa mga lalawigan sa Southern Luzon para ipakalat ang mensahe ng mga ito na pagkakaisa at pag-asa hanggang sa pagtatapos ng kampanya.
“Tuluy-tuloy pa rin ‘yung pangangampanya natin and patuloy pa rin ‘yung pakikipag-usap namin sa lahat ng mga Pilipino sa iba’t ibang lugar sa ating bansa para po ipaabot ‘yung ating mensahe ng pagkakaisa at kapayapaan para sa ating bansa,” sabi ng alkalde.
Samantala, tumanggi naman ni Duterte na magkomento hinggil sa panawagan ng ilang presidential candidate sa kapwa nito kandidato na umatras na sa eleksyon.
