
Ni NOEL ABUEL
Pinayuhan ng isang senador ang mga college students na samantalahin ang PhilHealth insurance habang papalapit ang face-to-face classes na nakapaloob sa Republic Act 11223 o ang Universal Health Care Law.
Kaugnay nito, nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na gawing madali ang pagpasok ng mga college students sa face-to-face classes.
“Alam ninyo, huwag na ho nating pahirapan ang mga kababayan natin sa pagbalik sa pag-aaral. Hirap na nga ‘yung mga kababayan natin dito sa ating transition noong naging distance learning tayo. Tapos ngayon ‘pag pabalik na naman sa face-to-face learning mahihirapan na naman ang mga kababayan natin. Huwag na ho nating pahirapan pa mga kababayan ko,” giit nito.
Sa inilabas na Resolution 164 ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, tanging mga fully vaccinated students na may health insurance coverage ang papayagang lumahok sa in-person classes sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1.
Samantala, nilinaw ni Go na ang insurance requirement ay hindi manggagaling sa private provider at ang mga estudyanteng nasa 21-anyos ay maaaring mag-enroll sa PhilHealth kung walang kakayahang gumastos sa higher premiums.
“’Yung insurance naman po, hindi dapat private. So ibig sabihin, PhilHealth insured ka diyan. Dahil mayroon ka ng PhilHealth, ‘yung mga 21 years old and above eh miyembro ka na po. Indigent ka, miyembro ka na po,” sabi ni Go.
“‘Yung dependents naman less than 21 years old ‘yung mga dependents nila, puwede ninyo nang gamiting insurance ‘yon,” dagdag nito.
