P1,000 pensyon ng senior citizens isinulong ni Senador Joel Villanueva

Ni NOEL ABUEL

Isinusulong ni Senador Joel “TESDAMAN” Villanueva na gawing P1,000 na ang buwanang social pension para mga senior citizens na isa sa sektor na pinakaapektado ng pandemya, pagtaas ng presyo ng langis, at ng inflation.

Ayon sa senador ito aniya ang pinakamaliit na bagay na pwedeng gawin ng gobyerno para sa mga nakatatanda.

“Hindi po sapat ang kasalukuyang P500 monthly allowance para sa mga pang-araw-araw na pangangailangan at gamot ng ating mga nakakatandang Pilipino. Pangalawang taon na po ng pandemya, nagtaasan na po ang mga presyo ng bilihin, pero wala pa ring umento sa kanilang pensyon. Parangalan at respetuhin po natin sila sa pamamagitan ng mas maayos na pensyon,” sabi ng senador.

Bilang subcommittee chair ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development on the Senior Citizen Social Pension Bills, dininig ni Villanueva noong Enero ang walong panukalang batas na nagdaragdag ng mga benepisyo para sa mga indigent senior citizens.

Inulit ng senador ang kanyang panawagan para sa umento sa pensyon sa isang pagpupulong kasama ng mga senior citizens sa Quezon City ngayong araw (Abril 21), kung saan sinabi rin nito na mahigit isang dekada nang hinihintay ng mga senior citizens ang dagdag pensyon mula nang maisabatas ang Expanded Senior Citizens Act of 2010.

“Hindi na po dapat tayo naghihintay ng isa pang dekada o isa pang pandemya para lang paginhawahin ang nalalabing panahon ng ating mga lolo at lola,” sabi ni Villanueva.

Binanggit din ng senador na inuutos ng Senate Bill No. 2506 sa ilalim ng Committee Report No. 597 na suriin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang halaga ng pensyon kada dalawang taon batay sa umiiral na consumer price index ng Philippine Statistics Authority (PSA) at iba pang economic indicators.

Umaasa rin ang senador na pumasa ang panukalang batas sa pagbabalik ng Kongreso matapos ang halalan sa Mayo.

Batay sa datos ng DSWD, aabot sa mahigit 3.8 milyon ang indigent Filipinos na may edad 60 at pataas. Sa P500 kada buwan, nasa P23.6 bilyon kada taon ang allotment para sa social pension.

Leave a comment