
Ni NOEL ABUEL
Umapela ang isang senador sa Department of Transportation (DoTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pag-aralang mabuti ang pagbabago ng schedule para sa operasyon ng mga provincial buses.
Ito ay makaraang ipatupad ang bagong patakaran kung saan, kapag walang special permit ang isang bus ay papayagan lamang itong bumiyahe sa window hours na alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling-araw.
“Dapat po nating alalahanin ang kapakanan ng mga commuters at mga provincial bus operators and drivers sa implementasyon ng bagong provincial bus scheme. Bigyan po natin ng mga maayos at abot-kayang alternatibo ang mga provincial commuters para makabiyahe habang business hours sa Metro Manila,” sabi ni Senador Joel Villanueva.
Paliwanag ng senador, dapat ay binigyan na sapat na panahon ng mga ahensya ng pamahalaan ang commuters sa bagong patakaran bago ipatupad ang programa.
“Karampatang panahon din po ang kailangan ng commuters bago i-implement ang bagong scheme para makapag-adjust sila sa bagong schedule ng provincial busses. Bilang tubong Bulacan, ramdam po natin ang magiging pahirap nito para sa ordinaryong taga-probinsya na madalas bumibiyahe patungong Metro Manila,” aniya pa.
“Sana po ay napag-aralang mabuti ng ating mga ahensya ang epekto ng desisyong ito sa mga commuter na nakasalalay ang kanilang kabuhayan sa araw-araw na biyahe ng provincial buses. Nakasalalay rin po dito ang kita ng mga provincial bus operators at mga drivers nito, dahil nakabase sa dami ng kanilang mga pasahero ang kanilang kita,” dagdag pa nito.
Sinabi pa ng senador na dapat unawain na kasalukuyang bumabangon pa ang lahat mula sa pandemic lockdown kung saan maraming kabuhayan ang nakasalalay sa provincial bus routes.
“Gaya po ng ating panawagan noon sa MMDA na pag-aralang mabuti ang economic impact ng panukalang panibagong number coding scheme, isipin po natin kung para saan pa ang maluwag na trapiko kung wala namang masakyan ang mga tao,” sabi pa nito.
