
Ni NERIO AGUAS
Aabot sa 30 criminal at administrative cases ang isinampa ng Bureau of Customs (BoC) laban sa ilang importers at customs brokers na patuloy na lumalabag sa batas.
Ayon sa Bureau’s Action Team Against Smugglers (BATAS) ng Legal Service, ang kasong kriminal at administratibo laban sa mga tiwaling importers at customs brokers ay naipon sa unang bahagi pa lamang ng taon.
Nabatid na ang anti-smuggling campaign ay dulot ng pagtutulungan ng BoC at ng Department of Justice (DOJ) gayundin ng iba pang ahensya ng pamahalaan na nagresulta sa pagsasampa ng 24 criminal cases mula Enero hanggang Marso laban sa 73 indibiduwal na pawang mga importers, exporters, at customs brokers na lumabag sa Republic Act No. 10863, o mas kilalang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at kahalintulad na batas.
Samantala, 6 na administrative cases din ang isinampa laban sa mga licensed customs brokers sa Professional Regulation Commission (PRC) para mabawian ng lisensya.
Sa datos ng BATAS, kabilang sa nilabag ang illegal na importasyon ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P160.4 milyon; agricultural products na nagkakahalaga ng P131.4 milyon; motor vehicles na nagkakahalaga ng P49.4 milyon; general merchandise na nasa P7.7 milyon, at iba pang kargamento na nagkakahalaga P7.2 milyon.
