
Ni NERIO AGUAS
Nakatakdang pasinayaan ng Bureau of Immigration (BI) ang bagong tanggapan nito na matatagpuan sa isang mall sa Makati City.
Sinabi ni BI Makati Chief Maria Rhodora Abrazaldo na ang paglilipat ng BI Makati Extension Office mula sa kasalukuyang tanggapan nito sa kahabaan ng J.P. Rizal Avenue patungong 5th level ng Ayala Circuit Mall ay mangyayari sa Abril 25.
Nabatid na malaking tulong ang paglilipat ng opisina ng BI Makati Extension office dahil sa patuloy na pagdami ng stakeholders na nagtutungo dito kung saan kabilang dito ang Top 1000 corporations sa bansa at patuloy na nangungunang top performing BI offices sa loob ng ilang taon.
Sinabi naman ni BI Commissioner Jaime Morente, na ang paglilipat ng tanggapan ng Makati Extension office ay napapanahon na lalo na at inaasahan ang pagdagsa ng maraming kliyente at muling mabuhay ang business sector dahil na rin sa pagbubukas ng borders ng bansa.
“Foreign investors are expected to return now that we are transitioning to the new normal. Hence we see the move to a bigger office as a necessary step to provide better service,” sabi ni Morente.
Samantala, ang bagong tanggapan ng BI Main Office na matatagpuan sa kahabaan ng Diosdado Macapagal Boulevard ay malapit nang matapos.
