Pag-veto ni Pangulong Duterte sa SIM Card registration bill nirerespeto ko—Sen. Go

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Nirerespeto umano ni Senador Christopher “Bong” Go ang ginawang pag-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act kasabay ng kahandaang muling pag-aralan ito upang masiguro na walang magiging lalabaging batas at banta sa karapatan ng indibiduwal.

“Marahil po ay mayroong dahilan ang ating Executive. Usually naman po, ‘pag merong bini-veto ang executive, (may comments) naman iyan ng different agencies,” sabi ni Go sa pahayag sa matapos personal na tulungan ang mga biktima ng sunog sa Barangay Baesa, Quezon City.

Sinabi ni Go na dapat busisiin nang husto at himayin nang mabuti kung pwede at naaayon sa legal ang panukalang batas.

“So, ako nirerespeto ko pero kung ano ‘yung puwedeng pag-usapan at maybe kung wala na pong panahon, (kailangan) i-refile po ito sa next Congress at tingnan ng mabuti, busisiin ng mabuti, himayin ng mabuti kung ano ang puwede at legal na maipasa para wala na po magiging problema sa susunod na administrasyon,” ayon pa kay Go na co-author din ng nasabing panukala.

Handa aniya itong pag-aralang mabuti ang panukala upang tuluyan nang maipasa nang walang anumang kuwestiyon o nilalabag na batas.

Sinabi ni Acting Presidential Spokesperson Martin Andanar na nagdesisyong i-veto nito ang panukala dahil sa tutol ito sa ilang bahagi nito katulad ng social media na walang malinaw na panuntunan at depenisyon.

Ikinabahala aniya ni Duterte na magdulot ng  kaguluhan at banta sa karapatan ng sinuman ang nasabing panukala.

Samantala, umaasa si Go na mas paigtingin din ng ehekutibo at lehislatura ang pag-uusap at konsultasyon sa usapin ng ipinapasang panukalang batas ng Kongreso.

 “Usually naman kapag may pinapasang batas, kinokonsulta sa Executive iyan para hindi masayang, pinaghirapan natin itong lahat. Sabi ko nga sayang. Sayang po yung batas, isa rin po ako sa nag-author nito,” dagdag pa ni Go.

Leave a comment