
NI NERIO AGUAS
Iniutos ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang lahat ng tauhan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na panatilihin ang status quo sa pagganap ng kanilang mga tungkulin at responsibilidad hanggang sa ganap nang mabuo ang Department of Migrant Workers (DMW).
Ang direktiba ng kalihim ay sa gitna ng mga salungat na posisyon mula sa ilang grupo na “nagdulot ng kalituhan at pagkagambala sa serbisyo publiko ng mga migranteng manggagawa.”
Sa isang memorandum, binigyan-pahintulot ni Bello si POEA Administrator Bernard Olalia na maglabas ng kaukulang utos upang maisakatuparan ang kanyang direktiba para sa pagbibigay ng serbisyo at upang matiyak ang maayos na operasyon ng POEA.
Binigyan-diin ni Bello na ganap na mabubuo ang DMW sa sandaling ang nakalaang pondo nito ay nakasama na sa 2023 General Appropriations Act; epektibong pagpapatupad ng mga tuntunin at regulasyon at mayroon nang pinagtibay na staffing pattern.
Sa pagbanggit sa mga magkasalungat na posisyon sa konstitusyon ng DMW, tinukoy ni Bello ang Administrative Code of 1987 na nagsasaad na ang lahat ng mga hindi pagkakaunawaan, paghahabol, at kontrobersya, sa pagitan ng mga kagawaran, kawanihan, opisina, ahensya, at instrumentalidad ng pambansang pamahalaan ay dapat administratibong naayos o hinatulan ng Justice Secretary, bilang Attorney-General ng pambansang pamahalaan.
“Kaya, napakahalaga na mapanatili ang status quo habang nakabinbin ang pagpapalabas ng Justice Secretary ng kanyang desisyon, na magiging konklusibo at may bisa sa lahat ng partidong may kaugnayan,” pahayag ni Bello.
Hiniling ng Blas F. Ople Policy Center ang opinyon ni Justice Secretary Menardo Guevarra ukol sa usapin.
Samantala, sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na ipinakita sa Pangulo ang parehong implementing rules and regulations na isinumite ng Transition Committee at ng kalihim ng DMW.
Matatandaan na isinumite ng Transition Committee sa Tanggapan ng Pangulo ang implementing rules and regulations, na may lagda ng mga miyembro ng komite, maliban sa kalihim ng DMW. Sa kabilang banda, nilagdaan ng kalihim ng DMW ang kanyang bersyon ng pagpapatupad ng mga patakaran at regulasyon, na inilathala noong Abril 6.
Bilang pagkilala sa kapangyarihan ng Transition Committee na bumalangkas sa implementing rules and regulations ng Republic Act 11641, naglabas si Medialdea ng isang memorandum noong Abril 18 kung saan ipinapaalam na ang Pangulo ay “walang pagtutol sa isinumiteng IRR at pinahintulutan ang agarang publikasyon nito.”
