Kaligtasan ng mga guro sa araw ng halalan pinatitiyak sa DILG at PNP

Senador Win Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Pinatitiyak ng isang senador sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang kaligtasan ng mga gurong manunungkulan bilang poll workers, lalo na sa mga lugar na itinuturing na hotspots o areas of concern.

Hinimok din ni Senador Win Gatchalian ang Election Task Force ng Department of Education (DepEd) na makipag-ugnayan sa PNP upang mas mapaigting ang seguridad ng mga gurong manunungkulan sa araw ng halalan.

Aniya, mahigit sa 300,000 mga guro ang inaasahang lalahok sa nalalapit na halalan kung saan kamakailan ay iniulat ng DILG at ng PNP na may 105 na mga munisipalidad at 15 na mga siyudad ang itinuturing na “red areas” o “areas of grave concern.”

Ang mga naturang lugar ay maaaring isailalim sa kontrol ng Commission on Elections.

Samantala, inaayos pa ng COMELEC ang pinal na listahan ng hotspots base sa isinumiteng listahan ng PNP. 

“Ang mga guro ay ang ating frontliners sa pagpapanatili ng kaayusan ng ating halalan. Dapat nating tiyakin na mabibigyan sila ng karampatang proteksyon mula sa anumang banta ng kaguluhan o karahasan sa araw ng halalan, lalo na’t buhay at kaligtasan nila ang nakataya alang-alang sa kinabukasan ng bansa,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

May apat na kategorya sa mga election hotspots: green, yellow, orange, at red. Ang mga green areas ay itinuturing na mapayapa at walang pangamba pagdating sa seguridad.

Maaaring ilagay sa yellow category ang mga lugar kung saan matatagpuan ang mga sumusunod na sitwasyon: pinaghihinalaang nagkaroon ng election-related incident sa nakaraang dalawang eleksyon, mayroong matinding tunggalian sa pulitika, posibleng paggamit ng mga kandidato ng mga armadong grupo sa lugar, pagkakaroon ng politically-motivated election-related incidents sa kasalukuyang halalan, at dati nang isinailalim sa kontrol ng COMELEC.

Hindi naman banta sa mga lugar na ito ang mga teroristang grupo.

Sa mga orange areas, maaaring magkaroon ng kombinasyon ng dalawa o higit pang sitwasyong naitala sa yellow category. Maaari ring harapin ng mga lugar na ito ang seryosong banta mula sa mga grupong tulad ng New People’s Army (NPA), mga extremist groups tulad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Abu Sayyaf Group (ASG), at mga mararahas na elemento ng Moro National Liberation Front (MNLF), Moro Islamic Liberation Front (MILF), at iba pang mga kahalintulad na grupo.

Sa mga red areas naman, matatagpuan ang isa o higit pa sa mga sitwasyong inilarawan sa yellow category habang hinaharap ang banta sa mga grupong tinukoy sa orange category.

Leave a comment