Mga sangkot sa agri smuggling kakasuhan – Sen. Go

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Sinisiguro ni Senador Christopher “Bong” Go na papanagutin ng pamahalaan ang mga sangkot sa agricultural smuggling na nagpapahirap sa mga maliliit na magsasaka sa bansa.

Ito ang sinabi ni Go kaugnay ng ibinulgar ni  Senate President Vicente Sotto III na ilang high-profile personalities ang sangkot sa agricultural smuggling kung saan inaalam na ito ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA).

“Kilala ko naman si Pangulo. Basta totoo lang at mapatunayan na kasangkot eh mananagot po ito. Kasuhan, dapat makulong. Kakailanganin po lalung-lalo na po yung mga nananamantala sa sitwasyon na naghihirap ang ating bayan. Sa ngayon, nasa krisis pa tayo, tapos meron pang nananamantala na mga smuggler. Dapat managot po,” sabi ni Go.

Aniya, hindi na katanggap-tanggap na nawawala sa mga magsasaka sa League of Associations at La Trinidad Vegetable Trading Areas na nasa P2.5 milyon kada araw kasunod ng nasa 40 porsiyento ang pagbagsak ng mga orders ng mga restaurants dahil sa pagdagsa sa merkado ng mga smuggled vegetables.

“Karapatan po ng mga kababayan nating malaman ang katotohanan, kung totoo talaga ito. Kung sino itong mga involved sa smuggling, eh ilabas na kaagad, at managot at kasuhan. Ayaw naman nating merong nananamantala sa sitwasyon,” sabi pa ng senador.

Muli ring kinalampag ni Go ang Department of Agriculture (DA) na tulungan ang mga Filipino farmers at hindi ang mga imported goods ang unahin.

“Ako ay nananawagan sa DA, kay Sec. William Dar na unahin ‘yung kapakanan ng mga maliliit na magsasaka, mga farmers natin. Kung hindi naman po kailangan na mag-import sa ngayon eh huwag muna kayong mag-import,” giit ni Go.

“Always interest po ng mga maliliit na magsasaka ang dapat unahin ng ating gobyerno… Kahit na legitimate naman ‘yung kanilang importation, unahin pa rin po dapat ‘yung mga maliliit,” dagdag pa nito.

Leave a comment