
Ni NOEL ABUEL
May hamon si Senador Christopher “Bong” Go sa 229 kadete na nagsipagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) na manindigan ng tama at naayon sa batas at huwag maligaw ng landas.
Ayon kay Go, na kasama si Pangulong Rodrigo Duterte sa 43rd Commencement Exercises ng PNPA Bachelor of Science in Public Safety “Alab-Kalis” Class of 2022 sa Camp General Mariano N. Castañeda in Silang, Cavite, na umaasa itong hindi matutulad ang mga ito sa ilang tiwaling pulis na nasangkot sa iba’t ibang uri ng krimen.
Nabatid na sa 229 kadete na nagsipagtapos sa PNPA, 206 ang magsisilbi sa Philippine National Police (PNP), 12 sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at 11 naman sa Bureau of Fire Protection (BFP).
“Para sa mga nakapagtapos ng kanilang pag-aaral sa PNPA, congratulations po sa inyong lahat. Malaki po ang tiwala namin sa inyo ni Pangulong (Rodrigo) Duterte that you’ll be able to serve and protect our fellow Filipinos. Inaasahan namin na tapat ninyong mapaglilingkuran ang bayan,” sabi ni Go.
“Alam ko pong mahirap ang inyong pinagdaanan para makarating kayo dito kaya naman continue to inspire and influence other youths who are also taking up the same paths,” dagdag nito.
Sinabi naman ni Pangulong Duterte, na nagsilbing guest of honor at keynote speaker sa PNPA graduation rites, hinamon din nito ang mga bagong graduates na pagsilbihan ang bansa ng naaayon.
“Isa lang ang gusto kong hindi ninyo makalimutan, you took your oath of office at sabihin ko sa inyo, legal… whatever be administrative or otherwise, in the course of your duty, I would like to express to you now na — ‘yung tama lang. Do not go out of your legal parameters. Iyong tama lang na trabaho ng pulis… alam ninyo ang inyong obligasyon sa taumbayan,” sabi ni Duterte.
Sa panig naman ni Go, dapat din aniyang magsilbi ang mga ito sa nation-building at tiyakin ang peace and order sa bansa at ipagpatuloy ang Duterte Legacy.
“Ngayon po na kayo ay mga ganap na public servants, stay committed and determined to pursue the Duterte Legacy to ensure that no Filipino is left behind. Alam naman po natin ang tapang at tatag ng ating mahal na Pangulo. Ipagpatuloy lang po natin ang parehas na serbisyo sa ating mamamayan,” aniya pa.
Sinabi pa nito na sa panahon ng Duterte administration nangyari ang pagbibigay ng dagdag na suweldo sa mga uniformed personnel.
“Alam ninyo from the very start po ng administrasyon ni Pangulong Duterte, kahit noong kampanya pa po niya, naintindihan namin talaga ‘yung trabaho ng pulis, ng bumbero at ng ating mga jail officers. At isa sa mga ipinagmamalaki namin na hindi po pinagsisihan ay ang ipinaglaban ‘yung pagdodoble po ng sahod ng pulis,” sabi ni Go.
“Alam po namin ni Pangulong Duterte ang hirap ng inyong trabaho, kaya noon pa ay inuna na naming isinulong ang pagtaas ng sweldo. Overall, the salary adjustments resulted in a 58% average increase for all uniformed personnel,” dagdag nito.
