Walang shortcuts sa paglutas sa economic crisis — Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Sinisiguro ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano na walang magiging shortcut sa programa sa paglutas sa patuloy na krisis sa ekonomiya tulad ng sugal at kurapsyon.

 Ito ang sinabi ni Cayetano kung saan tinitiyak aniya nitong hindi gagawa ang Legislative Branch ng shortcut programs sa pagtugon sa economic crisis sa oras na pagbabalik nito sa Senado matapos ang  May elections.

“Usually kapag mahirap ang panahon, kapit sa patalim eh — nagso-shortcut tayo. So napupunta sa sugal, smuggling, ilegal, corruption,” ani Cayetano.

Sinabi pa ni Cayetano, na tumatakbo sa isang faith-based at values-oriented leadership platform, na isusulong nito ang legislative measures na matatapos  nang hindi gumagamit ng mganaturang aktibidad.

“‘Yun ang babantayan natin na dalawa: to get the job done na hindi magutom ang ating mga kababayan, but at the same time hindi tayo mag-shortcut at hindi talaga masira ang mabuting landas ng ating bansa,” aniya pa.

Mariing tinututulan nito ang pagkakaloob ng  25-taong prangkisa sa e-sabong operators at sinabing ang kinikita ng gobyerno ay hindi nagbibigay-katwiran sa  mga suliranin dulot ng internet gambling activities.

 Muli rin itong umapela kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto ang Vaporized Nicotine Products Regulation Act, na mas kilalang Vape Bill, dahil sa may banta ito sa kalusugan ng publiko partikular ang mga kabataan.

Ipinaliwanag pa ni Cayetano na marami namang paraan para makakolekta ng pondo ang pamahalaan kabilang ang pagpapataw ng  limang porsiyentong mandatory saving sa lahat ng government agencies sa loob ng 5-taon na aabot sa P250 bilyon na magagamit na pantulong sa mga mahihirap na pamilyang Filipino.

Dahil aniya sa kasalukuyang krisis pang-ekonomiya sa pandemya kasama na ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, sinabi nitong ihahain nito ang panukalang batas na tutugon sa tatlong aspeto ng ekonomiya na “presyo, trabaho, kita.”

“Kung mababa ang presyo, basta’t may trabaho ka, kahit maliit ang kita, mabibili mo ‘yung gusto mo. Pero kung maliit ang kita mo, walang trabaho, mataas ang presyo, hindi,” aniya pa.

Sinabi pa nito na 60 porsiyento ng lahat ng trabaho sa bansa ay dahil sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs), isusulong din nito ang implementasyon ng loan program para sa mga MSMEs na may mababang interes at isang taong palugit at babayaran sa loob ng 5 haggang 10-tan.

 “Ang mayaman palaging may tatakbuhan na mauutangan, whether pamilya, raising money through stocks and bonds, or through borrowing sa bangko. Pero ang ordinaryong Pilipino na may maliit na negosyo, sa 5-6 lang ang takbo eh,” sabi pa nito.

Leave a comment