7,800 metriko tonelada ng sibuyas nadiskubre ng kongresista

Ni NOEL ABUEL

Ibinulgar ng isang kongresista ang pagkakadiskbre ng 7,800 metriko tonelada ng smuggled na sibuyas na pumasok sa bansa.

Inusisa ni Magsasaka party list Rep. Argel Cabatbat ang Bureau of Plant Industry (BPI) sa pagpapalusot ng tone-toneladang imported agricultural products kabilang ang sibuyas kahit walang karampatang papel at clearance.

Sa briefing ng House and Ways Committee nitong April 25, inamin ni Jesusa Ascutia ng BPI-National Plant Quarantine Services Division na may pinayagan silang ilabas sa kabila ng expired na Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) nito.

Sinabi ni BPI Director George Culaste na ang kanilang in-issue na SPSIC ay may validity lamang na hanggang Disyembre 31, 2021 at wala na rin umanong dapat dumating na sibuyas noong Enero at Pebrero ahil anihan ito ng sibuyas.

Ngunit ikinagulat ni Cabatbat na nagpapasok ng mahigit 7800 metriko tonelada nitong taon lamang kahit paso na ang SPSIC nito.

Depensa ni Ascutia, may lehitimong justification ang importers sa pagkaantala ng shipment ng sibuyas kaya kahit expired na ang SPSIC ay pinapasok niya ito.

Nang usisain kung ito ba dapat ang magdesisyon nito o ang nag-issue ng SPSIC, tumanggi itong tumugon.

“Maaaring maharap ang sinuman na walang hawak na SPSIC o lumalabag sa anumang guidelines ng pagi-import sa economic sabotage. Sa sibuyas na lang, ilang libong magsasaka ang nalugi dahil ipinilit ipasok ang imports na ‘yan?” giit ng mambabatas.

Kamakailan lamang, napilitan ang mga magsasaka partikular sa Oriental Mindoro at Nueva Ecija na ibenta ng palugi o itapon na lang ang aning sibuyas dahil sa oversupply at pambabarat ng traders.

Sa parehong briefing, inakusahan din ng extortion ang grupo nila Ascutia ng isang kooperatiba.

“Humihingi sila ng P500k enrolment fee eh sinabi ko wala akong ganyang pera kaya bumaba sa P150k hanggang P130k pero wala talaga kaming pera dahil maliit na kooperatiba lang kami,” ani kinatawan ng Cambridge Consumers Cooperative na si Ma. Wilma Ocampo.

Mariing itinanggi naman ni Ascutia ang akusasyon.

Ayon kay committee chair at Albay Rep. Joey Salceda, mukhang kalakaran na ito sa loob ng mga ahensya ng Department of Agriculture (DA) kung saan sa naunang hearing, tinawag nito ang DA na “mother of all agri smuggling” dahil sa walang habas na pagpapalusot nito ng imports kahit kulang kulang ang papel.

Inginuso rin ng komite ang problema sa SPSIC issuance na ugat ng smuggling.

Inaasahan naman ni Cabatbat ang agarang imbestigasyon sa isyu.

Leave a comment