
Ni NOEL ABUEL
Sa kabila ng iilang araw na lamang bago matapos ang 18th Congress ay umaasa pa rin si dating House Speaker Alan Peter Cayetano na maipapasa ng Senado ang panukalang pagtatayo ng Department of Disaster Resilience (DDR).
“I hope we don’t have to wait for the next Senate kasi meron pa namang ilang session days bago matapos po ang Kongresong ito. Pero kung hindi man, sana magkasundo po tayo na kailangan itong departamento na ‘to,” sabi nito.
Ginawa ni Cayetano ang pahayag sa gitna ng nararanasan ng ilang lugar sa Visayas at Mindanao na epekto ng tropical storm Agaton na kumitil ng 212-katao habang nasa 132 pa ang patuloy na nawawala base na rin sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRMC).
Mahigit sa 2.2 milyon katao ang naapektuhan mula sa 9 na rehiyon sa bansa at nag-iwan ng pinsala na tinatayang P1.3 bilyon sa agrikultura at P6.9 milyon naman sa pinsala sa imprastraktura.
Iniulat din ng NDRRMC na nakapagpalabas na ito ng mahigit sa P82 milyon na relief goods at iba pang tulong sa mga naapektuhan ng tropical storm Agaton noong Abril 24.
Gayunpaman, sinabi ni Cayetano na ang pagtugon sa kalamidad ay kailangan ng higit pa sa paghahatid ng mga relief goods pagkatapos ng katotohanan ngunit kailangan ding isama ang rehabilitasyon.
“Magaling na po tayo sa relief programs, pero sa rehabilitation at disaster management, mahina pa ho,” aniya pa.
Ipinunto rin ng dating House Speaker na sa pagkakaroon ng iisang ahensya ng pamahalaan na mamamahala sa pagharap sa disaster response ng bansa ay magiging mabilis at magtitiyak na pananagutan.
“Yung Department of Disaster Resilience po ay napakaimportante kasi kailangan po pagdating sa pagmi-mitigate ng mga disasters at tsaka pagdating po sa rehabilitation, may isang natuturo, may isang pong accountable, at isa pong nakatutok talaga diyan,” paliwanag nito.
Sinabi pa ni Cayetano na ang pagpayag sa mga kagawaran ng gobyerno na gumawa ng napakamaraming gawain ay hahantong sa kakulangan ng executive focus, na siyang pangunahing dahilan para mahati ang ilang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Education, Culture and Sports (DECS) na nahati sa higher education at technical education.
At bilang dating kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) sinabi ni Cayetano ang pangangailangan ng executive focus ang dahilan para sa pagtatayo ng Department of Migrant Worker, na sesentro lamang sa mga migrant workers affairs.
“Kasi, kita ninyo po, may COVID na e, pero ang kalamidad po ba, ang sunog, ang bagyo, ang lindol, eto po ba ay tumitigil? Hindi. Pero ang mga departamento, hilung-hilo na rin sa kaka-multitasking,” sabi ni Cayetano.
“So bilang former Cabinet member, I realize na hindi ganu’n kadali mag-multitasking kaya minsan, kailangan talaga ng separate department na tumutok sa mga problema ng ating bansa,” dagdag nito.
