
Ni NOEL ABUEL
Tinitiyak ni Senador Win Gatchalian na isusulong nito ang pagkakaroon ng mabilis at maayos na internet connection sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Giit ng senador, sa pamamagitan ng inihain nitong Senate Bill No. 2250 o Satellite-Based Technologies for Internet Connectivity Act of 2021, nais nito na palawigin ang paggamit sa satellite-based technologies bilang alternatibong solusyon sa pagkakaroon ng internet connection sa buong bansa.
Sa ilalim ng panukala, ang mga organisasyon mula sa iba’t ibang sektor ay papayagang magkaroon at magpatakbo ng satellite-based technology para magamit sa kanilang mga gawain.
Kabilang dito ang mga ahensya ng pamahalaan, mga pampubliko at non-profit private institutions, at mga volunteer organizations na may kinalaman sa edukasyon, kalusugan, pinansyal, agrikultura, pamamahala ng kapaligiran, pagtugon sa climate change, kahandaan sa sakuna, at pagresponde sa mga krisis.
Plano rin aniya nito na maghain ng panukalang batas upang paigtingin ang digital transformation sa basic education sector upang iangat ang kapasidad ng Department of Education (DepEd) sa information and communications technology (ICT), pabilisin at gawing moderno ang mga proseso ng ahensya, at paigtingin ang kakayahan nitong maghatid ng dekalidad na edukasyon.
“Patuloy nating isusulong ang pagkakaroon ng internet sa bawat pampublikong paaralan. Titiyakin din nating handa ang ating mga guro at mga mag-aaral sa mas malawakang paggamit ng teknolohiya pagdating sa pag-aaral at pagtuturo,” ani Gatchalian.
Binigyang diin ng mambabatas na ginagamit ng mga developed at developing countries ang satellite-based internet technology upang palawigin ang abot ng internet, lalo na sa mga lugar kung saan itinuturing na magastos ang paglalagay ng wired o mobile networks.
Upang magkaroon ng internet gamit ang satellite-based technology, ang internet service provider (ISP) ay nagpapadala ng fiber internet signal sa satellite na nasa kalawakan.
Ang satellite dish ay konektado sa modem ng user upang siya ay makagamit ng internet.
Ayon sa isang ulat ng The Asia Foundation noong 2019, 74% ng mga pampublikong paaralan ang hindi pa konektado sa internet.
Ayon naman sa 2019 National ICT Household Survey, 82.3% ng mga sambahayan sa bansa ang hindi pa konektado sa internet.
