P31.5 milyong halaga ng pekeng gamot nasabat ng BoC

Ni NERIO AGUAS

Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang mga smuggled na pekeng gamot na nagkakahalaga ng nasa P31.5 milyon sa magkahiwalay na operasyon sa Sta. Cruz, Maynila.

Isinagawa ang pagsalakay ng mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service-Intellectual Property Rights Division (CIIS-IPRD) sa bisa ng Letters of Authority (LOA) na inilabas ni BoC Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero sa tulong ng mga tauhan ng BOC-Port of Manila (POM), National Bureau of Investigation – National Capital Region, at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa warehouses na matatagpuan sa 1005 Ongpin Street, Santa Cruz, Manila at Units A, B, C, at D sa 641 Fernandez Street, Santa Cruz, Manila.

Ayon sa Boc, nagkakahalaga ang nakumpiskang pekeng gamot na nasa P31,500,000.00.

Nagsagawa ng pag-iimbentaryo ang Food and Drug Administration (FDA) sa mga medical at cosmetic products na may brands na Lianhua Lung Cleansing Tea, Healthy Brain Pills, Gluta Lipo, Lidan Tablets, Nin Jiom Pei Pa Koa, Vita herbs at iba pang gamot na may Chinese brands.

Sinasabing ang nasabing mga pekeng gamot na nakumpiska sa warehouses sa 1005 Ongpin Street ay nagkakahalaga ng P9,500,000.00 habang ang isa pang warehouse sa 642 Fernandez Street ay nagkakahalaga ng P22,000,000.00.

Inihahanda na ng BoC ang pagsasampa ng kaso laban sa mga may-ari ng nasabing mga pekeng gamot dahil sa paglabag sa R.A. no. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act Republic Act , R.A. 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines at ang R.A. 9711 o ang Food and Drug Administration Act.

Leave a comment