Sen. Poe sa bus operators: ‘Wag pahirapan ang mga commuters

Senador Grace Poe

Ni NOEL ABUEL

Umapela si Senador Grace Poe sa mga bus operators na sumunod at isakatuparan ang kanilang mandato na serbisyuhan ang mga pasahero kasunod ng mga ulat na maraming na-stranded simula noong nakaraang linggo.

“‘Wag naman natin silang ipitin at pahirapan pa sa pag-aabang, pagbabakasakali at pagpapalipat-lipat ng masasakyan,” ayon kay Poe.

“Ang pamantayan dito ay masugid na paglilingkod sa mga pasaherong palabas at papasok ng mga probinsya na kandahirap sa pagbubuhat ng kanilang mga bagahe, kapos sa panggastos at walang lugar na matutuluyan sa Metro Manila,” sabi pa ni Poe, na chairman ng Senate public services committee.

Naglabas na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show-cause order sa anim na provincial bus companies para pagpaliwanagin sa naturang pagkaka-stranded ng mga pasahero.

Itikanda ng nasabing ahensiya ng pagdinig sa Mayo 10 sa pamamagitan ng virtual meeting.

Paliwanag ng ilang provincial bus operator,  ang kanilang operasyon ay base sa window hours na alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling-araw upang magamit ang kani-kanilang pribadong terminal sa Metro Manila.

Nilinaw naman ang LTFRB na ang nasabing mga bus ay maaaring bumiyahe sa National Capital Region (NCR) kahit lagpas na sa naturang mga oras patungo sa mga itinalagang intermodal terminal.

Nauna nang nag-ikot ang tanggapan ng senador sa mga intermodal transport terminal, kabilang na sa North Luzon Express Terminal sa Bocaue, Bulacan, kung saan may kakaunting bus at pasahero noong Biyernes.

“Ang masakit pa, sa halip na makatipid, mas lumaki ang kanilang gastusin sa paghahanap ng masasakyan,” sabi ni Poe.

Una nang binigyang diin ng senador ang kahalagahan ng pagtatatag ng seamless connectivity sa pampublikong transportasyon para sa mas mabilis at mas kumbinyenteng pagbiyahe.

Dito nakabatay ang episyenteng mga intermodal transport terminal sa mga “istratehikong lokasyon” na madaling puntahan ng mga pasahero.

“Dapat isaalang-alang ang interes ng mga pasahero higit sa lahat. Hindi ito dapat ikompromiso,” diin pa ni Poe.

Leave a comment