Wanted na Korean kalaboso ng BI

Ni NERIO AGUAS

Kalaboso ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Korean national na wanted sa kasong pagpatay sa kababayan nito at sangkot sa telecommunications fraud sa bansa nito.

Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente, ang naarestong dayuhan na si Jang Youngjin, 31-anyos, ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) sa tirahan nito sa Cubao, Quezon City.

Nabatid na armado ang BI-FSU operatives ng arrest warrant na inilabas ni Morente na nag-isyu rin ng deportation order laban sa nasabing Korean national dahil sa pagiging undesirable alien.

Sinabi ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy, na si Jang ay nakatala sa red notice ng Interpol at may arrest warrant na inilabas ng Cheongju district court sa Korea dahil sa kasong pagpatay.

Nag-ugat ang kaso mula sa nangyari sa Parañaque City noong Enero 16 kung saan ginulpi ni Jang ang isang kababayan nito matapos ang mainit ng pagtatalo habang nag-iinuman na nagresulta sa pagkasawi ng huli dahil sa head trauma.

Dinagdag pa ni Sy na may hiwalay na warrant na inilabas ang Seoul Central District court laban kay Jang dahil sa pagpapatakbo ng telecom fraud syndicate na nag-o-operate sa China.

Sinasabing ang mga miyembro ng sindikato ay sangkot sa voice phishing sa mga biktima ng mga ito sa Korea kung saan nakatangay ang mga ito ng nasa mahigit sa 63 million won o katumbas ng P2.6M.

Kasalukuyang nakadetine si Jang BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inihahanda ang pagpapatapon dito pabalik ng Korea.

Leave a comment